ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 12, 2020
Pasado na sa Senado ang panukalang-batas na taasan ang teaching supplies allowance ng mga guro.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020, kung saan isa ang inyong lingkod sa mga may akda, unti-unting itataas ang kasalukuyang P3,500 na natatanggap ng mga guro mula sa susunod na taon hanggang sa 2025.
Para sa S.Y. 2021-2022 at S.Y. 2022-2023, ang teaching supplies allowance na matatanggap ng bawat guro ay magiging P5,000. Aakyat ang halagang ito sa P7,500 para sa S.Y. 2023-2024 hanggang sa maging P10,000 sa S.Y. 2024-2025 at sa mga susunod na taon.
Sa ilalim ng panukala, magiging bahagi na rin ang allowance na ito ng mga guro sa taunang budget ng Department of Education (DepEd).
Bago pa kumalat ang COVID-19 sa bansa, ipinanukala na ng inyong lingkod ang pagtaas ng teaching supplies allowance sa P5,000. Pero dahil malaking hamon ang pagpapatupad ng distance learning sa panahon ng pandemya, nararapat lamang na taasan pa ang naturang halaga. Sa ilalim ng panukalang-batas, maaaring gamitin ang allowance para matustusan ang pagbili ng gamit para sa iba’t ibang learning modalities.
Marami tayong narinig na mga kuwento na mismong guro ang gumagastos para makabili ng ilang gamit nila sa pagtuturo. Lumala pa ang suliraning ito noong magsimula ang pandemya, halimbawa na lang ang pagbili ng load para sa kanilang internet connection. Panahon na para matapos ang ganitong sitwasyon.
Malaking sakripisyo sa oras, gastusin at kalusugan ang ibinubuhos ng guro kapalit ng kanyang tungkulin sa pagtuturo.
Sa ating pagtugon sa mga hamon ng pandemya at sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, nararapat lamang na ibigay natin ang lahat ng suporta para na rin sa kapakanan ng mga estudyanteng kanilang tinuturuan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários