ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 23, 2024
Isang pirma na lang ang kailangan at malapit nang matapos ang paghihintay para sa tax breaks sa e-motorcycles na maituturing na isang malaking tagumpay para sa electric vehicle industry.
Inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pagpapalawak sa Executive Order No. 12, series of 2023. Nangangahulugan ito na isasama na sa executive order, na nagkakaloob ng tax breaks sa EVs, ang e-motorcycles, kaya maaalis na ang taripa sa imported models.
Sa 16th Board Meeting ng NEDA kamakailan, sinabi ng ahensya na nagkasundo ang Board nito na aprubahan ang rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters na palawakin ang saklaw ng EO12 hanggang 2028, na nag-aalis din ng taripa para sa e-motorcycles, e-bicycles, at nickel metal hydride accumulators.
Ang inaprubahang bersyon ng revised EO12 ay nasa mga kamay na ngayon ni NEDA Chairman at President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM), para sa final approval at publication.
Nakasaad na ang Executive Order No. 12 ay, “designed to stimulate the electric vehicle (EV) market in the country, support the transition to emerging technologies, reduce our transport system’s reliance on fossil fuels, and reduce greenhouse gas emissions attributed to road transport,” tulad din ng naka-post sa website ng ahensya.
Ang zero emissions ng e-motorcycles ay isa sa “most emphasized traits” dahil ang transportation sector ay responsable sa pagbuga ng 35.42 million tons ng carbon dioxide noong 2022, na nag-ambag sa climate change, ayon sa datos ng Statista.
Sa pamamagitan umano ng pag-engganyo ng consumers na tangkilikin ang EVs ay ipino-promote natin ang malinis na hangin at ligtas na kapaligiran.
Nabatid na magmula nang magkabisa ang EO12 noong February 2023, hiniling na ng EV industry leaders ang pagsasama sa e-motorcycles sa ilalim ng executive issuance, kinuwestiyon ang layunin nito at iginiit ang inclusion nito sa sandaling isagawa ang pagrebyu.
Dalawa sa kanila, ang think tank Stratbase ADR Institute at ang advocacy network CitizenWatch Philippines, ang aktibong nagkakampanya para sa tax breaks sa e-motorcycles magmula noong 2023, kung saan binigyang-diin nila ang mga benepisyo sa bansa, kapaligiran, at ekonomiya sa sandaling maisama sa mga sasakyan sa bansa.
Sinuportahan din ng Electric Kick Scooter (EKS) of the Philippines, Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP), at ng ilang ahensya ng pamahalaan ang pag-aalis sa taripa sa e-motorcycles, na maliwanag sa kani-kanilang posisyon sa Tariff Commission matapos ang public hearing nito noong Marso.
Sa ilalim ng initial version ng EO12, tanging e-motorcycles ang pinapatawan ng 30 percent import tax, habang ang ibang uri ng EVs ay binawasan o inalis sa tariff rates.
Ayon sa Statista Research Department, ang motorcycles ay bumubuo sa humigit-kumulang 7.81 million registered vehicles sa bansa noong 2022, na siyang pinakapopular na vehicle type sa mga motorista.
Nais din ng Department of Energy (DOE) na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o karagdagang 2.4 million units, sa pag-asang makatulong ang green transportation sector na mabawasan ang 35.42 million tons ng carbon dioxide emissions ng bansa noong 2022, na nag-ambag sa climate change.
May ganito palang hakbangin ang pamahalaan, bakit may ilang ahensya na sa halip na tulungan ang e-motorcycle sa bansa ay kung anu-anong pahirap ang ipinapataw na imbes na tangkilikin ng mga consumer ay nag-aalala na sa paggamit ng e-bike dahil sa paghihigpit.
Hindi naman masamang maglabas ng panibagong kautusan tungkol sa e-bike ngunit tila malaking balakid para sa ating mga kababayan na gustong bumili ng e-bike ang sobrang paghihigpit sa lansangan.
Kamakailan lamang ay sala-salabat sa lansangan ang mga gumagamit ng e-bike ngunit dahil sa ipinalabas na kautusan ng isang ahensya na huhulihin na sila sa major thoroughfare kaya marami ang natakot.
Maging ang mga nagpaplanong bumili ng e-bike ay hindi na tumuloy dahil sa ayaw nilang maranasan ang pahirap sa lansangan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo na maya’t maya ay sinisita ng mga enforcer.
Hindi ba’t makabubuti kung paraanin muna natin ang hakbangin ng Palasyo hinggil sa e-bike dahil ang layunin nito ay napakabuti sa ating kalikasan.
Kaya nga binibigyan ito ng pamahalaan ng tax breaks para pagaanin ang kanilang sitwasyon at tuloy ay tangkilikin ng marami para nga maibsan ang mabilis na paglala ng climate change.
Tapos ngayong malapit na malapit nang magtagumpay ang industriya ng electric vehicle ay saka pa mag-uusbungan ang iba’t ibang problema hinggil dito.
Sana lang ay magkaintindihan ang ahensya ng pamahalaan na nais higpitan ang e-bike at ang pamunuan ng Palasyo upang magkaroon ng maayos na direksyon ang adhikaing ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments