ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 10, 2021
Walang pinipili ang sakit. Mahirap man o mayaman. Pero ang mas apektado, ang mga kababayan nating walang-wala — mga kababayan nating mas uunahin na lang bumili ng makakain para sa pamilya, kaysa bumili ng gamot o magpasuri sa doktor.
Sa ngayon, isinusulong natin sa Senado ang ating panukalang-batas, ang Senate Bill 2297. Nilalayon natin dito na gawing libre ang annual medical check-up para sa lahat ng Pilipino.
Napakahalagang taun-taon, sumasailalim tayo sa kumpletong check-up dahil dito natin malalaman kung ano ang karamdamang meron tayo. Dito natin matutuklasan kung tayo ay may malubhang sakit, tulad ng sakit sa puso, diabetes at iba pang nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.
Nakalulungkot kasi na hanggang ngayon, patuloy ang pagdami ng mga kababayan nating hindi nakapagpapasuri sa doktor dahil sa takot sa paggastos. Dahil d'yan, hindi nabibigyan ng kagyat na atensiyon ang kanilang pangangailangang pangkalusugan.
Karamihan sa kanila, dahil wala ngang budget para magpa-check-up, mas pinipili na lang nilang mag-self-medication o kaya naman ay ang alternative healing. Walang kasiguruhan, sa totoo lang.
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang laban natin sa pandemya. At sa ganitong panahon, mas kailangan nating masuri ng doktor. Unang-una, ang mga karamdamang tulad ng nabanggit natin kanina — heart diseases, diabetes, at iba pang matitinding sakit, ‘yan ang madaling kapitan ng COVID-19 dahil sa mahinang pangangatawan ng tao.
Higit kailangan natin ngayon na magabayan ng doktor, lalo na kung may mga karamdaman tayong tulad ng mga nasabi natin.
Umaasa rin ang inyong lingkod na sa lalong madaling panahon, maisabatas ang ating panukala dahil napakalaking tulong nito sa ating mamamayan.
Ang maganda rito, lahat ng gagastusin sa medical check-up, laboratory and diagnostic tests, sagot ng PhilHealth. Wala tayong babayaran. Bahagi ‘yan nang nilalaman ng RA 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act, kung saan isa tayo sa may-akda.
Karapatan ng bawat Pilipino na pagkalooban ng tulong pangkalusugan, anuman ang estado nila sa buhay.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments