top of page
Search
BULGAR

Taumbayan, may “K” maging choosy sa bakuna vs. COVID-19!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 13, 2021


Hindi maaaring mamili ng brand ng libreng bakuna ang mga magpapaturok, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Bagama’t may karapatan umano ang lahat na magkaroon ng mabuting kalusugan, hindi maaaring maging pihikan sa mga babakunahan dahil maraming Pilipino ang dapat maturukan.


Bukod pa rito, sinabi pa ng opisyal na hindi maaaring mamili dahil hindi naman pipilitin ang mga ayaw magpabakuna, pero kailangan aniyang lumagda sa isang waiver ang ayaw magpaturok, lalo na kung kasama ito sa listahan ng mga prayoridad na tuturukan.


Agad na nag-react ang taumbayan at as usual, umani ng iba’t ibang reaksiyon ang pahayag na ito ng opisyal kung saan may ilang pumalag at may mangilan-ngilan namang sumang-ayon.


Gayundin, taliwas sa pahayag ng tagapagsalita ang tugon ng isang mambabatas.


Giit ng mambabatas, hindi patas ang ganitong opinyon dahil dapat bigyan ng opsyon ang taumbayan kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang kanilang nais ipaturok.


Matatandaang sinabi ng Department of Health (DOH) ang pagkuha ng Pilipinas ng 25 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa Chinese firm na Sinovac.


Ang naturang bakuna ng Sinovac ay hindi pa nakakukuha ng emergency use authorization mula sa United States at Europe, kumpara sa ibang bakuna na mas mura ang halaga.


Hirit naman ng DOH, malaya ang mga Pinoy na pumili kung ano’ng brand ng COVID-19 vaccine ang nais nila, basta ito ay ligtas at epektibo.


Kung tutuusin, karapatan naman ng taumbayan na mamili ng kanilang ipatuturok dahil una sa lahat, katawan at buhay nila ito. Isa pa, pera naman ng taumbayan ang gagastusin para rito, kaya bakit bawal maging choosy?


Pakiusap sa mga kinauukulan, bigyan natin ng kalayaan ang taumbayan, lalo na sa pagpili ng bakuna dahil dito nakasalalay ang kanilang kaligtasan kontra sa virus.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page