ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 14, 2025
Photo: Jayson Tatum, Andrew Nembhard, Jalen Brunson at Karl-Anthony Towns - IG
Muntikan na ang World Champion Boston Celtics at nalusutan ang New Orleans Pelicans, 120-119 sa NBA kahapon sa TD Garden. Winakasan din ng Indiana Pacers ang 12 sunod na panalo ng nangungunang Cleveland Cavaliers, 108-93.
Hawak ng Celtics ang inakalang komportableng 120-115 lamang na may 22 segundong nalalabi subalit naka-shoot si Dejounte Murray na sinundan ng dalawang free throw ni CJ McCollum, 119-120. Hindi naipasa ng Boston ang bola sa loob ng 5 segundo at bumalik ito sa Pelicans ngunit nagmintis ang magpapanalo sanang malapitang tira ni McCollum.
Nagtapos si Jayson Tatum na may 10 ng kanyang 38 puntos sa huling quarter. Umangat ang pumapangalawang Celtics sa 28-11 at nakakuha ng tulong sa Pacers na hinila pababa ang numero unong Cleveland sa 33-5.
Sinayang ng Cavs ang 60-45 lamang sa pangatlong quarter at pinahabol ang Pacers hanggang maagaw nila ang bentahe papasok sa huling quarter, 77-71. Mula roon ay walang nakapigil sa arangkada at lalong lumayo ang Indiana, 98-80 at nanguna sa balanseng atake si Andrew Nembhard na ipinasok ang 10 ng kanyang 19 sa huling quarter.
Pinisa ng numero uno ng West Oklahoma City Thunder ang kulelat na Washington Wizards, 136-105, para maging 32-6. Gaya ng marami niyang laro ngayong torneo, nagpahinga sa buong huling quarter si Shai Gilgeous-Alexander matapos gumawa ng 27 at itulak ang OKC sa 104-69 lamang.
Uminit si Jalen Brunson para sa 23 ng kanyang 44 sa unang quarter pa lang at kasama ang ambag na 30 at 18 rebound ni Karl-Anthony Towns ay ibinaon ng New York Knicks ang Milwaukee Bucks, 140-106. Bumangon mula sa 67-86 butas sa pangatlong quarter ang Denver Nuggets upang maagaw ang 112-101 panalo sa Dallas Mavericks sa likod ng 21 at 10 rebound ni Russell Westbrook.
Comments