ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 23, 2021
Hanggang sa darating na Biyernes mananatili sa ating bansa ang tatlong doktor mula sa Israel upang ibahagi ang kanyang technical expertise sa pagbabakuna, mula umano sa paghawak ng sensitive shots hanggang sa pagtataas ng kumpinyansa ng publiko hinggil sa bakuna.
Ang grupong ito ng mga doktor mula sa health ministry ng Israel ay dumating sa bansa noong nagdaang Hunyo 20, upang asistihan ang buong bansa sa isinasagawang rollout ng corona virus vaccine.
Mismong ang National Task Force Against COVID-19 ang nagkumpirma sa pagdating sa bansa ng mga doktor na sina Avraham Ben Zaken, Adam Nicholas Segal at Dafna Segol na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas 4:15 ng hapon noong Linggo.
Itinuturing na world leader ang Israel kung pagbabakuna rin lang ang pag-uusapan na ayon sa ipinapakita nilang datos ay halos nasa 59% ng kanilang populasyon ang nabakunahan na laban sa COVID-19 sa pinakahuling tala nila noong Hunyo 18.
Ang kanilang vaccination rate ang pinakamataas sa kasalukuyan sa buong mundo kabilang ang Bahrain, Chile, United Kingdom, Hungary at United States na halos nagbabalik na sa normal nilang pamumuhay.
Napapanahon din ang kanilang pagdating dahil sa nilagdaan na ng pamahalaan ang supply agreement para sa 40 milyong doses ng bakuna na gawa ng Pfizer-BioNTech na sa kasalukuyan ay pinakamalaking deal na ating naisagawa.
Sa unang linggo ng Setyembre inaasahan ang unang delivery nito at umabot na sa kabuuang 113 milyong doses ang ating na-order mula sa iba’t ibang vaccine manufacturer kabilang na ang 26 milyong Sinovac, 10 milyon ng Sputnik V, 20 milyon ng Moderna at 17 milyon mula sa AstraZeneca.
Ang grupong ito ng mga eksperto mula sa Israel ay ituturo umano sa ating pamahalaan ang mga estratehiya upang maipakalat ang highly sensitive vaccine tulad ng Pfizer-BioNTech shots na siya nilang ginamit sa kanilang kampanya sa pagbabakuna.
Inaasahan nating ang mga ekspertong ito ay iiwanan sa ating bansa ang health mechanism na unti-unting magpapabago sa ating mga quarantine restrictions at maiibsan na ang pagtanggi ng marami nating kababayan na ayaw magpabakuna.
Mula kasi nang ilunsad ang COVID-19 vaccination sa bansa noong Marso 1 ay kapansin-pansing napakabagal ng naturang programa dahil sa kakulangan mismo ng bakuna na hindi kayang tugunan ng sapat ang pangangailangan ng priority sectors.
Malaking balakid ang mga itinakdang deliveries ng bakuna mula sa iba’t ibang bansa dahil bukod sa ilang problema sa mismong shipments na kung hindi naantala ay nakansela sa takdang panahon na inaasahan ng ating pamahalaan.
Hindi ba’t ilang buwan pa lamang ang nakakaraan nang magsagawa ng survey ang Pulse Asia at lumitaw na tatlo lamang sa bawat sampung Pinoy ang handang magpabakuna at hanggang ngayon ay wala pang opisyal na ulat kung nadagdagan o nabawasan na ba ang resulta ng naturang survey.
May ilang halal na opisyal mula sa lokal na pamahalaan ang nagsasabing tumaas na umano ang kumpiyansa ng marami sa ating kababayan at kumbinsido nang magpabakuna.
Ngunit may mga pahayag ng ilan sa ating mga opisyal na patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga kababayan nating natatakot magpaturok ng bakuna, partikular sa hanay ng mahihirap nating kababayan.
Mataas din ang porsiyento ng mga kababayan nating ayaw magpabakuna mula sa hanay ng mga mahihirap at kulang sa edukasyon dahil mas higit nilang nauunawaan ang paliwanag ng kapwa nila walang muwang sa tunay na layunin ng pagbabakuna.
Ito ang sektor ng mga kababayan nating dahil sa sobrang kahirapan at sobrang wala nang panahon sa ibang bagay kung hindi ang maghanapbuhay ay wala nang panahon para makapanood ng telebisyon o makinig ng balita.
At ang tanging panahon na lamang para makakuha ng impormasyon ay sa oras na lang mismo ng trabaho, kaya kapag sila ay nakuwentuhan ng isang katrabaho na nakuwentuhan din lang ng maling impormasyon ay ito na ang kanilang paniniwalaan.
Ang masakit pa, ang mga padre de-pamilya na nakakuha ng maling impormasyon ay isinasalin pa sa kanyang mahal sa buhay ang takot na kanyang nalaman na nakamamatay ang pagpapabakuna at ito na rin ang nagiging laman ng kanilang kuwentuhan sa mga inuman.
Ang Social Weather Stations (SWS) ay nagsagawa rin ng survey nitong nagdaang Abril hanggang Mayo ay natukoy na hanggang sa kasalukuyan ay marami pa rin ang hindi pa tiyak kung sila ba ay magpapabakuna o hindi dahil sa takot na mamatay sa epekto nito.
Base sa pinakahuling ulat na inilabas ng national vaccine operation center ay nasa 8,407, 342 pa lamang ang kabuuang bilang ng mga naturukan na ng bakuna mula sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Nasa 6,253,400 na umano ang nakatanggap ng unang dose samantalang nasa 2,153,942 ang indibidwal na nakatanggap na ng ikalawang dose na masasabing kumpleto na ang bakuna.
Target ng pamahalaan na hangga’t maaari ay 50 milyong Pinoy o ang majority ng ating populasyon ang maturukan ng bakuna ngayong 2021 bago nating marating ang inaasam nating herd immunity.
Kaya sa pagdating ng mga eksperto mula sa Israel sa ating bansa ay inaasahang makatutulong ito para mapawi ang pangambang nararamdaman ng marami nating kababayan na ayaw magpaturok ng bakuna.
Sana lang ay mas naunang naimbento ang gamot o tableta laban sa taliwas mag-isip para wala na tayong problema sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentários