top of page
Search
BULGAR

Tatlong beses nabakunahan... Pagkabulag at pagkamatay ng 12-anyos, isinisisi ng pamilya sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 6, 2022


Tila may madyik na dala ang ngiti, napapagaan nito ang mga pagsubok sa buhay, kung hindi man tuluyang makapawi ng lumbay. Ito ang ngiting hinahanap-hanap ng mag-asawang Randy at Cerela Ganancial ng Parañaque City. Ipinaramdam ni Rancel Mae Ganancial ang mga biyayang hatid ng maganda niyang disposisyon sa buhay sa kanyang pamilya at mga taong nakasalamuha niya. Kung nandito lang si Rancel Mae, marami pa ang sasaya at lalawak ang maaabot ng good vibes na hatid niya sa kanyang munting mundo.


Si Rancel Mae, 12, namatay noong Enero 3, 2019, ang ika-108 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan; una noong Abril 19, 2016, pangalawa noong Nobyembre 23, 2016, at pangatlo noong Hunyo 27, 2017.


Ayon sa kanyang mga magulang, “Ang aming anak ay masayahin, malambing, masigla at malusog na bata. Palagi siyang nakangiti at maganda ang disposisyon niya sa buhay. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at naospital, maliban na lamang nang nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos niyang maturukan ng bakuna kontra dengue.”


Agosto 2017, matapos ng pangatlong turok ng Dengvaxia, nag-umpisang lagnatin si Rancel Mae at palagi rin siyang nahihilo at nagsusuka. Sa eskuwelahan, matagal umano siyang makatapos ng mga gawain, kaya inilipat siya ng guro sa harapan. ‘Yun pala, nanlalabo na ang kanyang paningin. May pagkakataon din na siya ay nahimatay sa paaralan. Noong Oktubre 2017, dinala siya sa doktor dahil nawawalan siya ng ganang kumain kaya siya nangangayayat. Sa iba’t ibang doktor siya dinala dahil hindi alam ng kanyang pamilya kung ano talaga ang sakit niya. Ayon sa mga doktor, mayroon diumano siyang UTI, Anemia at Arthritis. Binigyan siya ng antibiotics para gamutin ang kanyang UTI. Noong Nobyembre 6, 2017, natumba si Rancel Mae dahil nanlabo ang kanyang paningin. Sabi niya, sa pangatlong turok ay nagsimulang manlabo ang kanyang mga mata. Kinabukasan, dinala siya sa isang ospital sa Manila upang ipasuri. Dahil wala silang makitang diperensiya, isinailalaim siya sa magnetic resonance imaging (MRI). Pagsapit ng Nobyembre 21, 2017, tuluyan na siyang nawalan ng paningin.


Pagdating ng 2018 hanggang 2019, lumala ang kanyang mga nararamdaman, naging kritikal ang kanyang kalagayan at siya ay tuluyang pumanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:

  • Marso 8, 2018 - Lumapit ang kanyang pamilya sa Public Attorney’s Office (PAO) para humingi ng tulong. Tumulong ang PAO na madala siya sa isang ospital sa Manila kung saan isinailalim siya sa iba’t ibang uri ng eksaminasyon. Nakita ng mga doktor na may malaking bukol sa kanyang ulo malapit sa utak at ‘yun ang dahilan kaya wala na siyang makita. Mga ilang araw ay inilipat si Rancel Mae sa ibang ospital sa Manila.

  • Mga sumunod na buwan - Nagtuluy-tuloy ang mga kakaibang nararamdaman niya at hindi na siya nakalabas pa ng ospital. Nanatili siya ru’n dahil iba’t ibang sakit ang dumapo sa kanya, kabilang ang intracranial verminoma, hospital acquired pneumonia, septic shock, diabetes insipidus, hypothyroidism, tracheostomy at kung anu-ano pa. Nanatili siya sa ospital nang matagal na panahon at iba’t ibang procedure ang ginawa sa kanya. Dumating sa pagkakataong inoperahan siya at isinailalim sa radiation therapy. Sinabi sa ospital na lumiit diumano ang bukol na nakita nila.

  • Disyembre 19, 2018 - Na-discharge si Rancel Mae mula sa ospital. Nakapagdiwang naman siya ng Pasko sa bahay; napansin ng kanyang pamilya ang kasiyahan sa kanya kahit wala siyang paningin. Dahil maganda ang naging resulta ng radiation therapy, sinabihan ang kanyang mga magulang na siya ay sasailalim sa chemotherapy.

  • Matapos ang Bagong Taon - Nagreklamo siya ng pananakit ng ulo at nilagnat at binigyan siya ng gamot para rito.

  • Enero 3, 2019 - Inobserbahan siya dahil sa schedule ng chemotherapy at dadalhin din siya sa ospital. Nilalagnat siya nang madaling-araw at umabot sa 40 degrees ang kanyang temperatura. Wala na rin siyang ganang kumilos at hinang-hina dahil hindi na siya sumasagot kapag kinakausap. Dinala siya sa ospital at tuluyan nang gumupo ang kanyang murang katawan.


Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglang pagpanaw ni Rancel Mae. Gaya ng nasabi namin, masigla at malusog siya at palagi siyang masaya kahit siya ay bulag na. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”


Kabilang ang kanyang kaso sa Dengvaxia cases na hawak namin. Isa siya sa mga batang biktima na personal naming nakita ang tapang sa paglaban para mabuhay pa. Nagmarka sa aming alaala ang mga ngiti sa mga mata ni Rancel Mae kahit ito ay bulag na. Inilarawan niya ang kanyang unti-unting pagkabulag matapos maturukan ng Dengvaxia; pero sa kabila ng pait na paglalarawan niya, naru’n ang pag-asa sa kanyang mga mata na madudugtungan pa ang kanyang hiram na buhay. Isang pag-asang natuldukan nang siya ay tuluyang bumigay matapos ang mahabang gamutan.


Ang katarungan ay hindi sapat para sa binawing buhay niya, ngunit buong sigasig naming ipinaglalaban ang kanyang kaso at tulad niyang biktima. Ito ang kaya naming ihandog sa kanila, at kay Rancel Mae, na tila isang tudla ng liwanag o “ray of sunshine” sa mga taong nabiyayaan ng pagkakataon na makasama siya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page