ni Lolet Abania | January 17, 2021
Aalisin ang mga target na benepisyaryo ng bakuna mula sa priority list sakaling tanggihan nila ang magpaturok kontra COVID-19 na programang vaccination ng gobyerno, ayon sa Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
Sinabi ni ULAP Chairperson at Quirino Governor Dakila Cua, pina-finalize na ng mga lokal na pamahalaan ang listahan ng mga prayoridad na target recipients ng COVID-19 vaccine.
“Kailangan nating malaman, ito bang si Mr. Juan Dela Cruz, gusto ba niyang magpabakuna o hindi. Priority nga siya, pero minsan, ayaw naman niya,” sabi ni Cua sa isang interview ngayong Linggo.
“So, kailangan nating linisin pa 'yung mga listahan. At diyan, napakalaking trabaho pa,” dagdag niya.
Ayon kay Cua na chairman din ng League of Governors, ang Department of the Interior and Local Government at ang Department of Health ay nagbigay sa kanila ng ilang mahahalagang guidelines para sa nasabing pagbabakuna.
“Pero ‘yung specific, pinaplantsa pa natin,” ani Cua.
Sinabi pa niya na kabilang sa vaccine priority recipients ang mga frontliners, senior citizens at mga mahihirap na sektor ng lipunan.
Sa Martes, ayon kay Cua, ang mga local government units ay nakatakdang makipagpulong sa National Task Force Against COVID-19 upang pag-usapan ang logistics concerns ng programa ng vaccination.
Comments