ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | February 25, 2023
Kamakailan, dininig sa Senado, sa ilalim ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang ilang mahahalagang panukala na tiyak na huhulma sa kakayanan at kalidad ng mga produktong Pinoy.
At bilang subcommittee chairman, tayo ang nanguna sa naturang pagdinig, lalo pa’t ang mga panukala ay may malaking kinalaman sa ating adbokasiya – ang pagsusulong ng mga produktong Pinoy o ang Tatak Pinoy.
Kasama sa mga dininig natin ang SBN 90 o ang Exports and Investments Development Act o EIDA; ang SBN 97, 536, 538, 782, 1041 at 1441 o ang Poverty Reduction Through Social Entrepreneurship Act o PRESENT; nar’yan din ang SBN 319 (Domestic Bidders Preference Act); SBN 628 at 793 (National Quality Infrastructure Development Act); SBN 761 (Institutionalization of the Shared Service Facilities or SFF program of the DTI); SBN 1127 (Philippine Accreditation Act, at); ang SBN 1868 (Protected Geographical Indications Act).
Natutuwa naman tayo dahil lahat ng panukalang nabanggit natin, sumusuporta sa ating local industries. Layunin ng mga ito na palakasin ang ating exports, makalikha ng mga trabaho at higit sa lahat, makatulong sa tuluy-tuloy na pagbangon ng ating ekonomiya.
Kung bibigyan natin ng sobra-sobrang atensyon ang Pinoy products, panigurado, magkakaroon tayo ng “K” na makipag-kumpitensya sa pandaigdigang merkado. ‘Yan ang layunin natin sa pagsusulong ng Tatak Pinoy – para dumating naman ang panahon na hindi lang puro imported ang bumibida sa mga kapwa natin Pilipino kundi maging ang sariling atin.
Iba’t iba ang nilalayon ng mga panukalang-batas na ito. Halimbawa na lang, sa SBN 90, aamyendahan nito ang EIDA para mas mapalakas ang ating export sa pamamagitan ng mas pinataas na produksyon ng sophisticated and diversified products. Noon, kung mga piyesa lang ng mobile phones ang nagagawa natin, kakayanin na rin nating makagawa ng buong cellphone, etc.
Ang PRESENT bill naman ay naglalayong mas mahulma ang ating social enterprises dahil malaki ang magagawa nito para matulungan ang mga kababayan natin mula sa mga pinakamahihirap na komunidad.
Gawing institutionalized naman ang Certificate of Domestic Bidders program ng DTI ang nilalayon ng SBN 319. Tutulungan nito ang mga local enterprises natin, lalung-lalo na ang mga producer ng local goods na mapaboran sa procurement activities ng gobyerno.
Sa SBN 761 naman, sakaling maging insititutionalized ang SSF program ng Department of Trade and Industry (DTI), siguradong mapopondohan ang pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad na magagamit ng MSMEs.
Gustung-gusto nating maging globally competitive – ‘yung tipong makakapatas tayo sa industriya ng iba’t ibang bansa. Pero dapat talagang pagsunugan natin ng kilay ito para matupad ang ating pangarap.
Sino ba naman ang hindi magiging masaya kung nakikita mong umaalagwa ang mga produkto natin at nakikilala na internationally? Ang dapat lang, itaas natin ang ating kalidad. Ekonomiya natin ang pangunahing makikinabang sakaling maging aktibo na tayo sa global competition. At ang pinakamaganda, maraming mga kababayan natin ang matutulungan dahil makalilikha tayo ng mas maraming trabaho.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments