top of page
Search
BULGAR

Target na makagawa ng 2.8 milyong trabaho ngayong 2021, matupad sana!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 7, 2021


Isang taon matapos pumutok ang COVID-19 pandemic, milyun-milyong manggagawa pa rin ang walang trabaho sa bansa.


Base sa October 2020 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, nasa 8.7% o 3.8 milyon ang unemployment rate sa bansa, na mas mababa sa 17.7% unemployment rate o 7.2 million jobless adults na naitala noong Abril 2020 kung kailan ipinatupad ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.


Dahil dito, target ng pamahalaan na makalikha ng 2.4 hanggang 2.8 milyong trabaho ngayong taon bilang bahagi ng employment recovery strategy para maibsan ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa hanay ng mga manggagawa.


Noong Biyernes, pumirma sa joint memorandum circular (JMC) sa paglikha ng National Employment Recovery Strategy (NERS) Task Force ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang Labor and Employment (DOLE), Trade and Industry (DTI), Transportation (DOTr), Tourism (DOT), Budget and Management (DBM), Education (DepEd), Interior and Local Government (DILG), Social Welfare and Development (DSWD), Science and Technology (DOST) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Ang NERS ay isang medium-term plan na layuning makalikha ng mga trabaho.


Sa totoo lang, magandang balita ito para sa mga ordinaryong mamamayan na nawalan ng hanapbuhay, pero mas maganda kung mas maaga itong mapakikinabangan.


Sa kabila kasi ng mga tulong mula sa gobyerno, marami pa rin tayong kababayan na hirap makaraos sa araw-araw.


Gayunman, hangad natin na hindi lang ito maging target o pangarap lang dahil kailangang-kailangan ng ating mga kababayan ng hanapbuhay.


Isa pa, magtatapos ang unang batch ng mga mag-aaral sa K-12 program, kaya inaasahang madaragdagan ang puwersa ng mga manggagawa sa 2022 at mas maraming aplikante.


Kung magkakaroon ng sapat na trabaho para sa ating mga kababayan, dapat nating asahan na makakabawi ang sektor ng paggawa.


‘Yun nga lang, hintay-hintay muna, kaya panawagan sa mga kinauukulan, bilis-bilisan natin ang pagkilos.


At para naman sa ating mga kababayan, tiwala at tiyaga lang, magkakaroon din ng oportunidad.


‘Ika nga, sama-sama tayong babangon ngayong taon, kaya ‘wag tayong mawalan ng pag-asa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page