ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | December 23, 2022
Matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mahigit P5 trilyong 2023 national budget, sementado na ang katiyakang tuluy-tuloy na ang paghahatid serbisyo ng gobyerno sa publiko at sa iba’t ibang sektor sa pagpasok ng susunod na taon.
May mga nagtatanong kung sa bagong national budget ba ay mananatili pa rin ang mga ibibigay na ayuda, meron pero ito ay tinatawag nang “targeted ayuda”. Ito ay ang patuloy na paghahatid-tulong sa mga kababayan natin o sektor na hanggang sa ngayon, makalipas ang dalawang taong pananalasa ng pandemya, ay patuloy na naghihirap at lubhang apektado.
Kapag sinabi nating ‘targeted ayuda sa most affected sectors”, ito ‘yung pagpapatuloy sa mga programa ng gobyerno, tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps; medical assistance para sa mahihirap, libreng sakay program, scholarship program, tulong para sa mga tsuper at operators, gayundin ang tulong para sa mga magsasaka at mangingisda. Nariyan din ang mas pinataas na pensyon ng mahihirap na senior citizens.
Sinisiguro rin sa ilalim ng 2023 national budget na patuloy ang mga ipinagkakaloob na benepisyo at allowances sa ating health workers. Malaking bahagi rin ng pambansang budget o higit P170B ang inilaan sa sektor ng agrikultura na sa kasalukuyan ay patuloy pa ring dumaranas ng krisis mula sa dagok ng pandemya. Mababatid na dahil hanggang ngayon ay wala pa ring permanenteng kalihim ang kagawaran ng agrikultura, nananatiling si Pangulong Marcos ang namumuno upang matiyak na maresolba ang mga pinagdaraanang suliranin ng departamento.
Ang P5.268 trilyong 2023 national budget na inaprubahan ng Pangulo ay ang kauna-unang pambansang pondo ng administrasyong Marcos. At umaasa tayong magiging daan ito upang matiyak na tuluy-tuloy na ang pagbangon ng mamamayan at nang buong bansa mula sa pinagdaanan nating krisis nitong nakalipas na higit dalawang taon dahil sa pandemya ng COVID-19.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Bình luận