ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 07, 2021
Matapos ang napakahabang walong taon, natapos na rin ang lahat at tuluyan nang nangibabaw ang hustisya!
Sa mga sandaling ito na aking pagtipa ng keyboard para sa column ngayong araw, hindi pa rin humuhupa ang nag-uumapaw kong kasiyahan at pasasalamat. Walang pagsidlan ang saya dahil higit pa sa napakalaking tinik ang nabunot sa aking dibdib, at ang napakabigat na pasanin ko sa balikat ay tuluyan nang natanggal.
Maraming salamat sa lahat ng patuloy na nagmahal, nanalangin at nagbigay ng kanilang tiwala at suporta. Salamat sa mga abogado na nakipaglaban para sa akin sa hukuman. At siyempre, thank you sa aking pamilya na umagapay sa akin at palaging nasa aking tabi para masandigan. Gayundin, salamat sa lahat hindi ako iniwan at palaging nanindigan sa katotohanan.
Una na nga akong pinawalang-sala ng Sandiganbayan noong December 7, 2018 sa kasong plunder na ibinato sa akin. Nitong nakaraang July 1 naman, na isinapubliko noong Lunes lamang, tuluyan nang ibinasura ng Hukuman ang 16 na natitirang kaso laban sa akin. Wala kahit isa sa ipinukol sa akin ang pinaniwalaan ng korte. ‘Ni isa sa napakaraming kasinungalingan, walang pinatunguhan.
Ang pagkatig ng Sandiganbayan sa aking Demurrer to Evidence at pag-dismiss sa lahat ng kasong isinampa laban sa akin ay patunay sa alam natin mula’t sapul — na lahat ng akusasyong ibinato sa akin ay walang anumang tinitindigan.
Minsan pa nga ay muling napatunayang sa huli ay lalabas at lalabas din ang katotohanan, at kailanman ay hindi mananaig ang kasinungalingan.
Sinabi ng Korte na matagal nang napatunayan na ang mga dokumentong ibinibintang sa akin ay mga forged at peke at mismong ang Sandiganbayan ang nagpahayag na wala akong ilegal na ginawa. Malinaw ding ipinunto ng desisyon na wala akong tinanggap na anumang komisyon o kickback na kabaliktaran na ipinagsisigawan ng mga pilit dumiin sa akin.
Ang katotohanan, napulaan pa ang ipinipilit na may iregularidad sa aking mga bank accounts dahil ang sabi ng Korte, ang tiningnan lamang ng mga dumidiin sa akin ay ang mga deposito at hindi ang pinanggalingan ng idineposito, tulad ng mga kita ng aking asawa maging ang aking maaaring kita labas sa aking pagiging Senador. Maging ang sinasamba nilang “mahiwagang ledger” na napatunayang pabagu-bago tuwing ilalabas ay ibinasura ng Korte.
Sa madaling salita, nakita ng Sandiganbayan na walang basehan ang mga akusasyon laban sa akin. Hindi ko na kinailangan pang depensahan ang aking sarili at magbigay ng aming ebidensiya dahil sa mga akusasyon pa lang ay hindi na dapat paniwalaan.
Kailanman ay hindi ako sangkot sa katiwalian. Ito ang dahilan kaya’t hindi ako nagtago; hindi ako tumakbo; at hindi umiwas sa paglilitis. Inilagay ko ang aking tiwala at buhay sa ating sistema ng katarungan at mga hukuman. Sukdulang ako ay mabilanggo na walang kasalanan.
Matagal din akong nanahimik hinggil dito at sa halip ay puro trabaho ako simula nang muli akong mahalal bilang Senador dahil alam kong hindi mababago ninuman ang katotohanang ako ay naging biktima lamang ng masamang pulitika.
Hindi ako, kung hindi Sandiganbayan ang nagsabing wala akong kasalanan. Ngayong alam na ng publiko ang katotohanan ay puwede na akong mag-move-on na hindi na iniintindi ang mga paninirang bumagabag sa akin ng higit walong taon at sa lahat ng sangkot para buuhin ang kasinungalingang ito ay matagal ko na silang napatawad kaya mahimbing akong nakakatulog, sana sila rin.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments