top of page
Search
BULGAR

Tapatan ang sakripisyo ng mga healthcare workers

ni Grace Poe - @Poesible | August 30, 2021



Noong Sabado, naitala ang pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa, kung saan 19, 441 ang bagong kumpirmadong nagpositibo sa nasabing karamdaman; bahagya na lang, nasa 20, 000 na ang bilang. Samantala, ang ating social media feed ay napupuno ng mga obituwaryo para sa mga namatay, panawagan para sa ospital na maaaring tumanggap pa ng pasyenteng may COVID-19, at mga nanghihingi ng tulong at panalangin para sa pamilya at kaibigang nagkasakit.


Sa harap ng laban sa COVID-19, nakabala ang ating medical frontliners. Sa pagod ng marami sa kinahaharap araw-araw, marami na ang nagbitiw sa kanilang trabaho. Ang masaklap, marami pa ang nagbabalak mag-resign.


Hindi natin masisisi ang ating healthcare workers. “Toxic” ang isang salitang madalas gamitin sa mga ospital, dahil sa dami ng pasyente na kanilang ginagamot araw-araw. Ang masaklap, sa kabila ng panganib na sinusuong nila, hindi pa nila matanggap ang tamang benepisyo na inilalaan ng batas.


Sa Bayanihan Law na ating inaprubahan, hindi lamang special risk allowance ang dapat matanggap ng ating healthcare workers. Nariyan din ang hazard pay, akomodasyon at allowances para sa transportasyon at pagkain. May budget nang inilaan ang batas, kailangan na lang ang implementasyon ng Department of Health (DOH).


Nananawagan din tayo sa mas maluwag at makatuwirang interpretasyon ng batas para hindi lang limitahan sa direktang nag-aalaga sa mga pasyenteng may COVID-19 ang makatatanggap ng special risk allowance. Dapat maisama ang lahat ng healthcare workers sa mga ospital na gumagamot ng mga tinamaan ng nasabing karamdaman dahil mismong ang lugar ng trabaho nila ang may mataas na exposure sa virus.


Huwag nating itulak ang healthcare workers na pumunta sa kalsada sa pag-alma dahil hindi nila natatanggap ang mga benepisyong para sa kanila. Kaunting konsuwelo lang ang kanilang hinihingi na hindi makapapantay sa kanilang paglilingkod ngayong pandemya. Ibigay natin, at sa lalong madaling panahon, ang inilaan na para sa kanila.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page