ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 28, 2024
May sikat na kasabihan na ganito: “Kung ayaw laging may dahilan, kung gusto laging may paraan!” Ito ang nakita’t naranasan ng mga dumalo sa ika-95 Alumni Homecoming ng Seminaryo ng San Jose noong nakaraang Oktubre 24 hanggang 25.
Binayo ng Bagyong Kristine ang bubong ng covered courts sampu ng mga sanga ng mga puno sa paligid nito noong hapunan at programa ng homecoming ng mga obispo’t paring nagtapos sa Seminaryo ng San Jose. Hindi lang angge ang nangwasiwas sa mga handang pagkain gayundin ng mga paring nakapila’t naglalagay nito sa kani-kanilang plato. Naroroon din ang malakas na hangin na may dala-dala pang mga dahon, siit at kung anu-anong pinalilipad nito sa paligid.
Nakatutuwang tingnan ang mga pari at ilang obispo na nakapayong o nakakapoteng may hood na kumukubli sa mga ulong iniiwasang mabasa. At habang kumakain at nagkukuwentuhan, panay ang parinig na, “walang bagyong kaylakas na kayang takutin o siraan ng loob ang sinuman sa pagdalo ng Alumni Homecoming ng San Jose.”
Mabuti na lang at napakinggan namin ang maganda’t mapaghamon na pagbabahagi ni Bishop Raul Dael ng Diyosesis ng Tandag. Ibinahagi ng butihing obispo ang kanyang pag-uunawa sa kabanalan ni San Jose.
Ayon kay Obispo Dael, kakaibang magmahal si San Jose. Marunong siyang magmahal na hindi umaangkin o sinasarili ang minamahal. Minahal ni Jose si Maria ngunit hindi nito inangkin, hindi sinarili ang ina ni Hesus. Gayundin si Hesus na hindi tinuon sa pagtatagumpay ang kanyang buhay. Hindi niya hinanap ang kapalit ng kanyang mga ginagawa. Gagawa siyang walang bayad, walang stipend maliban sa pagkakataong makapaglingkod. Ang mismong pagkakataong maglingkod ay ang itinuturing niyang kapalit o kabayaran sa kanyang paglilingkod.
Matindi at matapang ang mga salita at tono ng pananalita ng obispo. Malinaw, masakit at maganda ang kanyang mensahe. Ang lahat ng ito ay bunga rin ng kanyang pinagdaanang pakikipaglaban sa kanser. Dumaan sa sakit, sa malalim na pagdurusa si Obispo Dael hanggang sa kanyang naunawaan na kailangan niyang danasan ang sakit para maintindihan niya ang pinagdaraanang pagdurusa ng iba (mga pari).
Kasunod ng mabigat ngunit malalim na pagbabahagi ni Obispo Dael, salamat kay Bagyong Kristine, may masarap, malinamnam at basang-basang hapunan.
Pawang kinukutya pa ang Bagyong Kristine ng malakas at pinalalakas pang kuwentuhan ng mga alumni ng aming seminaryo. Kulang-kulang isang oras ang balitaan namin habang kumakain. Sa kabila ng basang damit, mukha at ulo, tuloy lang ang tawanan at kuwentuhan. Hindi namamalayang handa na ang entablado para sa munting palabas na handog ng mga seminarista sa alumni. Simple at maikli ang palabas na may halong sayaw, kanta at maiikling diyalogo tungkol sa buhay ng mga pari at sa mga iba’t ibang hamon nito.
Nagulat na lamang kami nang malaman naming lalabing-lima lamang ang lahat ng mga seminarista. Karamihan sa 15 ay kasama sa nasa entablado. Ilan lang ang nasa backstage para sa props, ilaw, sounds at iba pa. Kaunti, sobrang konti ito kaya naalala tuloy ng marami ang malaking bilang ng mga seminarista noong araw na halos umaabot ng 100 mula kolehiyo hanggang teolohiya. Ang 15 ay bilang lamang ng mga nag-aaral ng teolohiya. Wala nang mga taga-kolehiyo dahil hindi na ganoon karami ang mga nasa kolehiyo ang interesadong pumasok sa seminaryo.
Karamihan sa mga nagpapari ngayon ay medyo may edad na’t nakaranas na ng buhay sa labas, nakapagtrabaho na’t dumaan na sa iba’t ibang pagsubok at paghihirap sa buhay. Kaya malaking bahagi ng 15 seminarista ay may edad na at mas malinaw na sa kanilang gusto sa buhay.
Mag-iika-9 pa lamang ng gabi nang matapos ang lahat ng aktibidad para sa gabing iyon. Maraming nagmamadaling makauwi sa kani-kanilang tulugan para makaligo at makapagpalit ng kanilang binagyo’t basang-basang mga damit.
Kinabukasan pagkaraan ng agahan, nagkaroon ng business meeting para ihalal ang mga opisyal para sa ika-96 na Alumni Homecoming. Sinundan ito ng isang maikling panayam tungkol sa isang ekspertong nagtrabaho sa larangan ng green energy.
Nagtrabaho ang speaker para sa mga korporasyon patungkol sa mga lupa. Sa bawat hakbang sa paghahanap ng mga lugar sa kabundukan na maaaring pagtayuan ng “wind farm,” napakaraming mga puno ang dapat putulin na nakasasama sa wild life ng mga lugar na iyon. Malala rin ang epekto nito sa mga katutubong namimitas at nanghuhuli lang ng kung anu-ano para mabuhay.
Kapwa sira ang kapaligiran at ang lupang katutubo na minana nila sa kanilang mga ninuno. Ngunit tila walang pakialam ang may-ari ng korporasyon basta’t maitayo niya ang mga turbina, hindi na niya kasalanan ang anumang mangyari sa tao, hayop at likas na kapaligiran ng mga ito.
Sa dulo ng kanyang panayam, naging malinaw sa amin kung bakit nag-resign, umalis at hinding-hindi na siya babalik sa kanyang trabaho. Para sa kanya ay tinutulungan mo ang pagtatayo ng planta ng luntiang enerhiya ngunit bago dumating sa puntong iyon, napakarami mong niloloko at binabawian ng kanilang buhay at kabuhayan (ang malayang pagpitas ng prutas at anumang makakain, maging ang paghuli’t pagpatay ng hayop).
Sinundan ang panayam ng misang napakaganda at napakalalim sa makabuluhang hamon na patuloy na maging higit na misyonero ang Diyosesis ng Cubao, pari, relihiyoso at layko.
Sa dulo ng misa, sa pagkanta namin ng mga awiting malapit sa puso ng bawat hinubog at naging pari mula San Jose, damang-dama namin ang yaman at lalim ng paghuhubog na tinanggap namin sa aming mahal na Seminaryo ng San Jose. Hail, San Jose!
Comments