ni GA @Sports | October 23, 2023
Nakahandang tapusin ni Filipino unified super-bantamweight champion Marlon “Nightmare” Tapales ang paghahari at pananalasa ng tinaguriang “The Monster” na si Naoya Inoue, na may hawak din ng 2 titulo sa 122-pounds division para sa inaabangang undisputed championship sa Dis. 26 sa Tokyo, Japan.
Hawak ng 2-time division champion na si Tapales ang WBA at IBG junior featherweight titles na puspos ang pagsasanay upang maging kauna-unahang Filipino na nagwagi ng undisputed titles na hindi naisakatuparan ng mga legendary Pinoy boxers na sina 8th-division World titlist Manny “Pacman” Pacquiao, Nonito “Filipino Flash” Donaire at Donnie “Ahas” Nietes.
Plano ng 31-anyos mula Kapatagan, Lanao del Norte na magsilbing isang matinding ‘bangungot’ sa laban kay Inoue upang tapusin ang mahabang winning streak nito, gayundin ang pagtapos sa maraming Pinoy boxers na kanyang pinadapa at pinasuko.
“I will be the Japanese Monster’s biggest nightmare this coming December at his own hometown,” pahayag ni Tapales sa panayam ng BoxingScene.com kasunod ng ipinarating na salita sa kanyang co-promoter na MP Promotions. “So glad my everyday training always goes smoothly. My condition looks good, as well as my stamina, durability, punching power and quickness. By December during the fight night, I will be better than ever. I will be ready to be Inoue’s worst nightmare.”
Nananatiling walang talo si Tapales (37-3, 19KOs) sa kanyang apat na laban sa bansang Japan ng pabagsakin nito si Shohei Omori sa 11th round nang bakantehin ang WBO bantamweight title noong Abril 23, 2017 sa Osaka, Japan, habang naunang beses nitong pinasuko si Omori sa Shimazu Arena sa bisa ng 2nd round TKO noong Dis. 16, 2015. Gayundin ang mga panalo kina Hayato Kimura sa 5th round noong Abril 2014 at Ruben Manakane sa 4th round TKO noong Mayo 2013.
Comments