ni Gerard Arce @Sports | March 26, 2024
Isang nakatutulig na bigwas sa sikmura ang pinadapo ni Noli James “The Explosive James” Maquilan kay kay Benny “The Bull” Canete sa 7th-round ng 12-round main event para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) Asian Continental bantamweight title fight sa Manny Pacquiao: Blow-By-Blow boxing fight, habang pinarangalan ang iba’t ibang personalidad sa Philippine Boxing sa First Pacquiao-Elorde Awards Night, Linggo sa Okada Manila Hotel and Casino sa Paranaque City.
Nabalewala ang kalamangan sa nagdaang 6 rounds ng Omega Boxing stable boxer na si Canete (10-2, 7KOs), nang magibat sa matinding suntok sa sikmura ni Maquilan (9-1, 6KOs) at hindi na nakabangon sa 7th round.
Sapat ito upang pahabain ng tubong Compostela Valley ang winning streak sa 9 at kanain ang ikatlong knockout victory. Nakabawi naman si Giemel “Pistolero” Magramo sa 7th-round TKO pagkatalo noong Set. 18 sa Japan laban kay Anthony Olascuaga nang dominahin si Denmark “Tornado” Quibido para sa PBF super-flyweight bout at hirangin na “Best Fight of the Year” matapos ang eight-fight boxing match.
Boxer of the Year sina dating unified International Boxing Federation (IBF) at WBA super-bantamweight champion Marlon “Nightmare” Tapales at dating WBO minimumweight title holder Melvin “Gringo” Jerusalem.
“Sobrang masaya ako sa award na ibinigay ng First Pacquiao-Elorde awards, tsaka alam namin 'yung mga pinagdaanan namin at nabigyan ng karangalan 'yung mga pinagsikapan namin,” pahayag ni Tapales na kasamang binigyan ng pagkilala ang head coach na si Ernel Fontanillas bilang Best Trainer at ang promoter at manager nitong si Jim Claude Managquil bilang Best Manager. “Alam naman natin na si Flash Elorde ang nagbukas ng boxing para sa mga Filipino at si sir Manny Pacquiao na napakalaki ng naibigay niya sa amin na patuloy na sinusunod namin 'yung yapak niya.”
Comments