ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 25, 2022
KATANUNGAN
Tatlong beses na akong nag-abroad, pero tila wala akong suwerte. Noong una, nakatapos ako ng kontrata, pero pag-uwi ko rito, mabilis na naubos ang kaunting pera na naipon ko, kaya nag-apply ulit ako. ‘Yung pangalawang pag-a-abroad ko naman, hindi ko natapos ang kontrata, at sa ikatlong pangingibang-bansa, napauwi naman ako dahil nagkasakit ako ru’n.
Pero ngayong magaling na ako, balak kong mag-apply ulit, pero nagdadalawang-isip na ako. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung dapat ko pa bang ituloy ang pag-a-abroad na ito at sa ikaapat na pagkakataon, susuwertehin na ba ako?
KASAGUTAN
Kaya pala hindi ka sinusuwerte sa mga pangingibang-bansa na iyong nagawa, kapansin-pansin na may dalawang Guhit ng Hadlang (Drawing A. at B. d-d arrow a. at b.) sa maganda at mahaba sanang Travel Line — pansinin mo, ang Guhit ng Hadlang na tinukoy ay lumikha pa ng hindi maipaliwanag na “island” o bilog sa lalagyan ng Travel Line (arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay nangangahulugan na bagama’t makakapag-abroad ang nasabing indibidwal, sigurado namang hindi magiging maalwan o mahirap ang daranasin niyang buhay sa ibang bansa. Gayunman, kung nagkataong otso (8) tulad ng birth date na 8, 17 at 26 ang iyong birth date, puwede na sanang pagtiyagaan. Dahil tulad ng madalas nating sabihin, bahagi na ng buhay ng mga Taong Otso ang magtiis nang magtiis, at magpakasubasob sa hirap dahil pagkatapos naman ng mga ito, sa pag-unlad at kasaganaan din mauuwi ang kanyang kapalaran.
Ang problema, Sofia, hindi ka Taong Otso, bagkus, ikaw ay Taong Dos (2) dahil sa birth date mong 29. Ibig sabihin, magiging “easy to get” para sa iyo ang magandang kapalaran kung bago mo gawin ang pag-a-abroad, may naunang nag-alok sa iyo ng tulong o pangako. Kapag ganu’n ang sitwasyon, halimbawa ay isang kakilala o kamag-anak ang nagsabi sa iyo na, “Sofia, imbes na tulog ka nang tulog d’yan, subukan mo mong mag-abroad at tutulungan kita!”
Ang ganyang sitwasyon ay tanda na sa pag-a-abroad na ‘yun, lalo na kung strong number ang nag-aalok sa iyo ng tulong at ka-compatible pa ng zodiac sign mong Aries, tulad ng nasabi na, ikaw ay magtatagumpay sa nasabing pangingibang-bansa.
Pansinin mo ngayon ang Marriage Line (Drawing A, at B. 1-M arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi mo ba nakikita, iisang napakalinaw at makapal na Guhit ng Pag-aasawa (1-M arrow e.) ang ipinagkaloob sa iyo ng tadhana? Ibig sabihin, hindi ka sa pangingibang-bansa susuwertehin kundi sa pag-aasawa. Tunay ngang isinilang ang mga Taong Dos, hindi para mabuhay mag-isa, kaya “two” o “dalawa” ang pangalan ng kanilang numero.
Ibig sabihin, kailangang makatagpo sila ng katuwang sa buhay, makakasama, makakaagapay at sa mas madaling salita, kapag ka-compatible niya ang nasabing tao, walang duda na ang isang Taong Dos ay magtatagumpay at habambuhay nang magiging maligaya.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Sofia, hindi sa pangingibang-bansa matatagpuan ang nakalaan sa iyong malaking pag-unlad at wagas na kaligayahan. Bagkus, ito ay matatagpuan mo sa pag-aasawa at pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Comments