top of page
Search
BULGAR

Tangkilikin ang mga gawang Pinoy, dekalidad na mura pa

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 24, 2023


Lagi natin sinasabi, “tangkilikin ang sariling atin”. Hindi lamang para sa promosyon ng mga produkto o serbisyong Pinoy kundi para tulungan din ang ating mga kababayan at ang mga lokal na industriya. At para mas maipalaganap sa sambayanan ang ganitong panuto, dapat ay manguna ang gobyerno at maging ehemplo. Sila ang manguna sa pagtataguyod sa industriyang Pilipino.


Pinakamainam na paraaan para matulungan ng pamahalaan at ng iba’t ibang ahensya ang local industries ay bumili sila ng mga produkto mula sa mga ito na magagamit nila sa kani-kanilang tanggapan.


Pangunahing kagamitan na maaaring mabili ng gobyerno sa mga lokal na produkto ay office furniture. Ang sabi nga nila, ang Pilipinas daw ay itinuturing na “Milan of Asia” dahil sa mga mabibiling dekalidad na muwebles mula sa atin.


Ang masakit lang, sabi ng sikat na furniture designer na si Kenneth Cobonpue, itong mga bagong hotels and offices daw sa ibayong-dagat pa bumibili ng mga muwebles nila dahil mas mura.


Kaya nanawagan ito na kung puwede umano ay matulungan ang local manufacturers katulad niya na makapag-establish ng strong ecosystem kung saan makagagawa sila ng mas nakamumurang produkto na papatok at talagang bebenta.


Kamakailan, pinangunahan natin ang pagdinig sa Senate Bill 2218 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act at isa sa mga layunin natin dito ay ang mahikayat ang gobyerno na maging ehemplo sa pagtangkilik sa mga produktong lokal.


Dapat lang na sila mismo ay ipakitang mas pinapaboran nila ang industriyang Pinoy – na mas prayoridad nila ang local manufacturers sa procurement process.


Sa ilalim po ng Government Procurement Act, pinapayagan na ibigay sa lowest domestic bid ang procurement award, sa kondisyong hindi bababa sa 15% ng pinakamababang foreign bid.


Maganda naman sana ito, pero sa totoo lang, hindi ito sapat para lubusang matulungan ang lokal.


Mas mainam din kasi kung pati pribadong sektor ay susuporta sa local industries. Ito nga ‘yung sinasabi ni G. Cobonpue na sana’y maging patrons din ng local furniture business ang mga hotel owners and company owners dito sa bansa.


At liban sa SBN 2218, inihain din natin ang SBN 319 o ang panukalang naglalayon na gawing institutionalized ang Certificate of Domestic Bidders program ng Department of Trade and Industry para matulungan ang local industries.


Isa ang creative industry sa mga dapat bigyan ng kaukulang suporta ng gobyerno para mas mapalago ito. Sa ngayon, merong 10 domains ang ating creative industries tulad ng audiovisual media; digital interactive media; creative services; design; publishing and printed media;


performing arts; visual arts; traditional cultural expressions; cultural sites; at iba pang domains and industries na kinikilala ng Philippine Creative Industries Development Council. Kabilang sa creative industries ang pelikula, telebisyon, musika, software, video games, fashion and design, musical theatre, paintings, arts and crafts, museums at cultural exhibitions.


Dito sa ating Tatak Pinoy advocacy, isa sa mga ipinaglalaban natin ay magkaroon tayo ng design identity – isang Philippine brand para makilala tayo kahit saan. Kapag nagawa natin ‘yan, mas magiging competitive talaga ang ating mga produkto at makakapasok na sa international market. Tataas ang antas ng ating mga industriya. Kung matutupad natin ito, marami ang makikinabang. Una, ‘yung mga industriya, ang mga produkto at siyempre, mas makalilikha na tayo ng mga dekalidad at permanenteng trabaho.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page