ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 15, 2024
Photo: Bong Revilla Jr. - FB
Hindi sinasadyang napaamin namin ang paborito naming aktor-senador — na napakasimpatiko pa rin hanggang ngayon — na si Sen. Bong Revilla, Jr. sa pagkakaroon nito ng anak (o “mga anak”) sa ibang babae, sa ginanap na grand mediacon kahapon ng Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa Novotel Hotel, Cubao, QC.
Magbabalik nga kasi sa ere ang mala-pelikulang action-comedy series ni Sen. Bong simula sa Dec. 22, Linggo, kung saan 7 weeks lang daw muna itong mapapanood ng mga Kapuso fans dahil bawal na ngang lumabas si Sen. Bong sa TV kapag nagsimula na ang kampanya sa Feb. 12, 2025.
As we all know, muling tatakbong senador ang mister ni Congw. Lani Mercado sa May, 2025 midterm elections. Pero after that, pramis ng aktor-senador, babalik din siya sa TV at maging sa paggawa ng pelikula.
Sa trailer ng Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, ipinakitang isa sa mga bagong makakasama sa cast si Jillian Ward na gaganap na anak daw ni Tolome (Sen. Bong) sa isang babaeng nakarelasyon nito bukod kay Gloria (played by Beauty Gonzales).
Kaya naman sa Q&A segment sa mediacon, natanong namin si Sen. Bong since ang sabi niya ay kuwento ng buhay niya itong Walang Matigas na Pulis… kung in real life ba ay may lumapit at nagpakilalang anak niya at ano ang naging reaksiyon niya?
At kung sakali namang wala pang lumalapit, ano ang gagawin niya if one day ay may mag-claim na anak niya sa ibang babae?
Mas unang sinagot ni Sen. Bong ang pangalawang tanong namin, bagama’t napansin namin ang pagbuka ng bibig niya at pagsabi ng “Ohhh!” na parang nagulat sa unang tanong namin.
Aniya, kapag may lumapit, siyempre, ang unang itatanong niya ay sino ang nanay, and then, siyempre ay ipapa-DNA raw niya.
“Dahil kung talagang anak ko siya, dapat panagutan ko,” katwiran ni Sen. Bong.
Inulit namin ang tanong, “So, so far, Sen., wala pa naman?”
At du’n na nga bumigay si Sen. Bong na napangiti sa tanong namin sabay pagsingkit ng mga mata, “Alam ni Lani ‘yun, meron, meron. Pero makikilala n’yo rin ‘yun kung sino SILA.”
Dugtong nito, “At hindi mo puwedeng itago ‘yun, ah? Unfair para sa mga bata, dugo mo ‘yun, anak mo ‘yun, at hindi ko ikinakahiya ‘yun,” na umani ng palakpakan mula sa mga press people na present sa event.
Eh, ano nga naman kung may iba pang mga anak si Sen. Bong bukod sa misis niyang si Congw. Lani, shocking pa ba ‘yun, eh, ang namayapang ama nga niya na si Don Ramon Revilla, Sr. na dati ring aktor-pulitiko ay bukas na libro naman sa lahat ang pagkakaroon ng napakaraming anak sa iba’t ibang babae.
Kaya nga sa one-on-one interview, nang tinanong si Sen. Bong kung ilan na ba lahat ang anak niya, pabirong sagot lang ng super-guwapo pa rin naman kasing aktor, “Konti lang, totoo ‘yun, sa akin, kasya pa sa jeep, eh,” sabay tawa nang malakas, “‘yung sa tatay ko, pang-LRT,” hirit pa nito, kaya pati kami ay ang dami naming tawa.
Kinumpirma rin ni Sen. Bong na hindi lang open sa publiko itong inamin niyang mga anak niya pero tanggap na raw ni Congw. Lani at ng kanyang mga anak sa misis.
Well, du’n ka naman bibilib kay Sen. Bong, may paninindigan at kayang harapin ang kanyang ginawa. No wonder na love na love talaga siya ng press dahil sa kanyang pagiging honest at sincere.
Anyway, kaabang-abang ang Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis dahil para ka ngang nanonood ng pelikula sa ganda ng mga action scenes na talagang ginastusan at hindi tinipid.
May eksena rin du’n na tumalon sina Sen. Bong at Beauty sa ilog at nakakaaliw ang pag-amin ni Beauty na kahit nasa ilalim na sila ng tubig, not just once but twice pa siyang sumigaw ng “Tolomeeeeeeeee!” Hahaha!
Bukod kay Jillian Ward, kasama rin sa bagong cast si Boss Toyo at may special participation din si Ms. Gloria Diaz.
Nandiyan pa rin at kasama sa cast sina Carmi Martin, Leo Martinez, Jestoni Alarcon, Liezel Lopez, Raphael Landicho, Jeff Tan, Maey Bautista, Nino Muhlach, Joko Diaz at marami pang iba, mula sa direksiyon ni Enzo Williams.
Comments