top of page
Search
BULGAR

Tandang, sobrang galing mangatwiran, kayang gawing tama ang mali

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 23, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay ng mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Tandang o Rooster sila ang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.


Sa pag-ibig, dahil hindi niya basta masabi sa napupusuan niyang babae o lalaki ang kanyang pagmamahal o minsan ay kasama na niya ang nagpapaligaya sa kanya, pero pinipintasan pa rin niya at hinahanapan ng kapangitan — ang mga bagay na ito ang nagiging hadlang upang ang Tandang ay tuluyan na sanang magtatagumpay at magiging maligaya.


Kaya kung ikaw ay isang Tandang, ‘wag mo nang pangarapin pang ma-perfect ang isang bagay sa halip, kahit may kaunting mali o kapintasan mas mainam kung uunahin mo ang iyong layunin o plano, nang sa gayun ay hindi maantala ang tagumpay na matagal nang naghihintay. Tandaan, ang tagumpay na ito perfect man o hindi ay nakalaan sa iyo bago ka pa isilang.


Ganundin sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, huwag mo ng pilitin na maging perpekto ang isang ugnayan. Mas mabuting hayaan mo na may mali o kaunting kapintasan nang sa gayun, kahit may bahagyang mali sa isang relasyon, maitatama at maitutuwid din naman ito habang kayo ay patuloy na nag-aalalayan at nagpapadama ng wagas na pagmamahalan sa isa’t isa.


Sa sandaling natanggap na ng Tandang na hindi naman talaga perpekto ang mundo dahil wala naman talagang relasyon na walang mali at kapintasan, dahil ang mga ito ay bahagi ng natural nating buhay sa mundong ito, saka lamang lubusang matatamasa ng Tandang ang bonggang-bonggang tagumpay at wagas na kaligayahan ngayong Year of the Water Rabbit.


Sa pagdedesisyon at pagbibigay ng payo, sinasabi ring madalas na nakaatang sa balikat ng Tandang ang tinatawag na “devil’s advocate”.


Dahil inaakala niyang siya ay matalino, magaling at mahusay na tagapayo sa lahat ng problemang dapat bigyan ng solusyon, palaging may kakaiba siyang paraan o solusyon na hindi kayang isipin ng pangkaraniwang tao.


Ganu’n kahusay ang kanyang pag-aanalisa, ‘yung tama ay nagagawa niyang mali, habang ang mali naman ay nagagawa niyang tama. Gayunman, hindi naman siya seryoso sa pagpapatupad nang kanyang solusyon o katwiran kundi para lamang sa debate o diskusyon. Kaya minsan ay nagagawa niyang pumanig sa akala ng iba ay mali, na kayang panindigan ng isang Tandang na ito ay tama.


Minsan ay hindi lang napaninindigan na tama ang isang mali, bagkus, nakakahiyakat din siya ng mga taong maniniwala at susunod sa kanya upang ipaglaban ang isang mali na ginawa niyang tama o ang isang tama na ginawa niyang mali.


Ibig sabihin, bukod sa mahusay magpaliwanag ang tandang, magaling din siyang mangumbinsi, lalo na kung ang pinag-uusapan ay tungkol sa mali at tama.

Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page