ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 9, 2022
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Tiger.
Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.
Bukod sa inaakala ng Tandang na siya ay matalino at minsan ay totoo naman ito, siya rin ay sobrang perpeksiyunista, kaya ayaw na ayaw niyang nakakakita ng mga bagay na may mali at kapintasan. Kumbaga, galit siya sa pangit at sa mga bagay na hindi nakaayos, kaya naman siya rin ang ay dakilang mamimintas.
Sa kabila nito, palagi naman siyang may solusyon sa hindi magagandang bagay. Kaya naman ikinatutuwa niyang mag-isip kung paano itatama ang mga mali na nakikita niya at kung paano pagagandahin ang mga bagay na may kapintasan. Ito ang isa sa nagpapasaya sa buhay ng Tandang — ang mag-isip at mag-analisa ng kung anu-anong mga bagay sa silong ng langit, kaya inaakala niya na siya ay tunay na matalino dahil sa ugali niyang ito.
Kadalasan, tama naman ang naiisip niyang solusyon sa mga pangyayari, ngunit ang problema sa Tandang, hindi niya agad naipatutupad ang solusyon, ambisyon o plano sa buhay dahil ayaw niyang kumilos nang may kulang o hindi pa masyadong perpekto ang isang proyekto.
Marahil, ito ang pangunahing dahilan kaya siya ay nabibigo, hindi umuunlad at hindi ganap na yumayaman at nagiging maligaya. Tulad ng nasabi na, dahil sa kaiisip niya at sa pagiging sobrang perpeksiyunista, ipatutupad na lang sana ang isang bagay na tiyak namang mapagwawagian o ikauunlad niya ay hindi niya agad ito nagagawa.
Dahil sa kakuparang ito ng Tandang na mag-execute ng mga plano niya sa buhay o solsuyon sa isang problema, tumatagtal bago niya mapitas ang napakalaking tagumpay na matagal nang inilaan sa kanyang kapalaran.
Ganundin sa pag-ibig, dahil hindi niya basta ma-execute o maibulalas sa napupusuan niyang babae o lalaki ang kanyang pagmamahal, at minsan kahit kasama na niya ang magpapaligaya sa kanya, pinipintasan at hinahanapan pa niya ng kapangitan. Ang mga bagay na ito ang nagiging hadlang upang ganap siyang umunlad, magtagumpay at magiging maligaya.
Kaya para sa Tandang, pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, hindi mo na dapat hanapin ang perpektong ugnayan. Mas mabuting hayaan mong may mali o kaunting kapintasan nang sa gayun, kahit may bahagyanng mali sa isang relasyon, maitatama at maitutuwid din ito habang kayo ay patuloy na nag-aalalayan at nagpapadama ng wagas na pagmamahalan sa isa’t isa.
Sa sandaling natanggap ng Tandang na hindi perpekto ang mundo at wala namang relasyon na walang mali o kapintasan dahil ang mga ito ay bahagi ng buhay — saka matatamasa ng Tandang ang tagumpay at wagas na kaligayahan sa larangan ng pag-ibig.
Samantala, bagay sa Tandang ang matalino at madiskarteng Ahas. Tugma rin sa pagiging maangas at energetic na Tandang ang masipag at masikap na Baka, na walang ginawa at inatupag kundi ang pagpapayaman at pagkakaperahan. Ang mga pagtatangka at ambisyon ng Tandang na hindi naman niya mabigyan ng katuparan ay matutupad ng mahusay at magaling na Dragon, kaya naman ang Dragon at Tandang ay bagay na bagay din.
Gayunman, ma-a-appreciate ng magara at kakaibang Tigre, Unggoy, Baboy, Kambing o Tupa, ang pagiging mahusay at maangas ng Tandang, kung saan ang nasabing mga animal signs ay sadya ring katugma at ka-compatible ng tipikal na Tandang.
Itutuloy
Comentarios