ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | August 29, 2022
Hindi nagkamayaw ang mga dumagsa sa payout centers, partikular na sa Kalakhang Maynila noong unang araw ng pamamahagi ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong nakaraang linggo. Dito natin nakita kung gaano karami ang mga magulang na ang pangarap ay maiahon mula sa kahirapan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng edukasyon.
Tunay na maganda ang hangarin ng DSWD sa pangunguna na kalihim nitong si Sec. Erwin Tulfo na makatulong sa mga Pilipinong estudyante na magkaroon ng karagdagang pantustos para sa kanilang school supplies, allowances at iba pang bayarin, ngunit hindi naiwasan ang mga naging ilang pagbatikos dahil sa naranasang siksikan ng mga nais makakuha ng ayuda. Nakilalang hindi nagpapatinag sa pagtulong sa kanyang mga kababayan, ginamit ni Sec. Tulfo ang mga kritisismo sa unang araw ng payout upang mapabuti ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga susunod na Sabado.
Kung kaya’t kung ikaw ay magulang na nais makakuha ng ayuda para sa inyong mga anak, narito ang mga tips upang mapadali ang proseso:
Magtungo sa website ng DSWD at i-register ang inyong mga anak. Maximum na tatlong estudyante bawat pamilya ang maaaring makapag-register upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pang pamilya na nangangailangan ng tulong pinansyal.
Hintayin ang text confirmation mula sa DSWD na malalaman ng petsa at venue, kung saan makukuha ang ayuda. Nakikiusap sina Assistant Secretary Romel Lopez at Irene Dumlao sa mga kababayan nating huwag na magsayang pamasahe upang magtungo sa payout centers hangga't wala pang text confirmation dahil ipinagbabawal na ang walk-in upang mapasinayanan ang pamamahagi ng ayuda. Sabay naman ang kanilang garantiyang lahat ng magre-register ay matutugunan ng departamento.
Ihanda ang mga dokumento bago dumating sa payout center na maaari isa sa mga sumusunod:
Certificate of enrolment or registration sa eskwelahan
School ID ng bata o anumang statement of account o dokumentong maaaring ibigay ng eskwelahan upang mapatunayang naka-enrol ang mga bata.
Pagdating sa payout center, unang hihingin sa inyo ang official text confirmation na kayo ay naka-schedule sa araw na iyon. Tandaan, mayroong CRIMS o Crisis Intervention Monitoring System at hindi mapepeke o madodoble ang text messages na matatanggap.
Kayo naman ay susunod na magtutungo sa Assessment tables. Asahan nang hindi maiiwasan dito ang pagpila dahil isa-isang i-assess o tutukuyin ng mga social workers ang mga aplikante para sa ayuda upang matukoy kung sino ang mga tunay na nangangailangan ng tulong pinansyal.
Ang social workers ay bihasa sa pagtukoy ng mga kung tawagin ay students in crisis sa pamamagitan ng pag-interview sa mga magulang at kinukonsidera ang mga pangangailangan at kakayanan ng mga pamilya.
Kung makakapasa sa assessment ng social workers, madali na ang mga susunod na hakbang sa pagkuha ng ayuda:
P1,000 - para sa elementary
P2,000 - para sa high school
P3,000 - para sa senior high
P4,000 - para sa nasa kolehiyo
Sa ngayon ay mayroon nang tatlong payout centers sa Kalakhang Maynila na matatagpuan sa Taguig, Katipunan Quezon City at Gastambide, habang nasa dalawang payout centers ang itinalaga sa bawat lalawigan. Inaasahang mas magiging maayos na ang daloy ng pamamahagi ng ayuda lalo na at bumuo ng partnership ang DSWD at ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“Isang eye opener ang lawak ng pangangailangan ng mga Pilipino para sa tulong sa gitna ng pandemya at inflation. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at bayanihan ng mga ahensya ng gobyerno katulad ng partnership namin ng DILG, makakatiyak ang taumbayan sa tuloy tuloy na mahusay at tapat na paglilingkod ng DSWD, alinsunod sa ating mandatong pahalagahan at alagaan ang bawat Pilipino. Bawat buhay ay mahalaga para sa administrasyong Marcos at sa DSWD,” ani Sec. Tulfo.
Inaasahang makatutulong pa sa 375,000 hanggang 400,000 na estudyante ng maralita ang programang ito ng DSWD na ipapairal hanggang Setyembre 24. Hindi rin kailangang mangamba ang mga nasa liblib na lugar, kung saan walang internet o smartphone upang makapag -register dahil inatasan na ang mga DSWD field offices na magkaroon ng kani-kanilang estratehiya at sistema upang makapaghatid ng tulong pinansyal sa kanilang mga mag-aaral.
Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay
Opmerkingen