ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 29, 2022
Kamakailan ay nagpaabot ng pasasalamat sa Mataas na Kapulungan ang Coordinating Council for Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) dahil sa pagpasa natin ng RA 11635 or the Act Amending Sec. 27(B) of the National Internal Revenue Code of 1997.
Dahil sa nasabing batas, naisalba natin ang private schools sa posibleng pagsasara o pagtigil ng operasyon. Maging ang Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) ay nagpasalamat din sa Senado dahil itinaas natin ang pondo para sa state universities and colleges (SUCs). Malinaw na sa mga pasasalamat na natatanggap ng Senado mula sa sektor ng edukasyon, malinaw na hindi tayo nagpapabaya para itaas ang sistema ng ating edukasyon.
Pero sa totoo lang, hindi pa tapos ang laban para talagang tuluyang maiangat natin ang edukasyon sa bansa. Napakarami pang dapat gawin para masiguro ‘yan.
Kaya noong Miyerkules, sa ating sponsorship speech, ibinigay natin ang solidong suporta sa EDCOM 2 o itong second congressional commission on education.
Mababatid na itong panukalang ay mula sa joint resolution No. 10 na isinulong noong Disyembre 2019 na naglalayong itatag ang EDCOM 2. Nanguna sa pagsusulong niyan, sina Minority Leader Frank Drilon, Senators Win Gatchalian at Joel Villanueva na chairmen ng Basic and Higher Education Committee ng Senado. Kasama rin natin sa nagsulong ng joint resolution sina Senators Imee Marcos at Grace Poe.
Alam ba ninyo kung ano ang nagtulak sa inyong mga senador na isulong ang resolusyon na ito?
Dahil sa mga lumabas na resulta mula sa iba’t ibang assessment surveys, kung saan kasama ang Pilipinas. Sadsad ang ating bansa sa mga survey na may kinalaman sa edukasyon.
Noong 2018, sa kabuuang 79 countries na sumailalim sa Program for International Student Assessment (PISA), tayo ang nasa panghuli. Ibig sabihin, nakuha natin ang lowest score sa reading. Sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) survey, tayo na naman ang kulelat sa 58 assessed countries. Bagsak na nga tayo sa reading, bagsak pa sa Math and Science. At noong 2019 sa Southeast Asia Primary Learning Metrics Study, kung saan sumailalim ang 6 ASEAN country members, ang isinabak nating Grade 5 students, sadsad sa halos lahat ng utilized metrics.
Nakakaawa naman pala talaga ang Pilipinas kung edukasyon ang pag-uusapan. Ito ang dapat tutukan sa mga problema natin sa education sector. Hindi biro ang problemang ito – nangangailangan ito ng malawakang reporma.
Palasak na kasabihan, “Kabataan ang pag-asa ng bayan.” Paano natin maaabot ‘yan kung plakda tayo sa karunungan, kumpara sa estado ng edukasyon sa iba’t ibang panig ng mundo?
Sa puntong ito natin nakikita ang kahalagahan ng EDCOM 2. Ang pananaw na naglalayong bigyan ng maayos na kinabukasan ang kabataan sa pamamagitan ng mas pinalakas at pinaunlad na sistema ng edukasyon sa bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
留言