ni Gerard Peter - @Sports | January 10, 2021
Dalawang magkahiwalay na World title fights ang itinalagang pag-aagawan ng apat na Filipinong boksingero sa minimumweight division na gaganapin dito sa ng bansa sa magkasunod na buwan.
Itataya ni International Boxing Federation (IBF) champion Pedro “Kid Pedro Heneral” Taduran Jr. ang titulo laban kay mandatory World No. 3 contender Rene Mark Cuarto sa Pebrero 20 sa Lagao Gym sa General Santos City, habang pag-aagawan nina dating WBO mini-flyweight titlist Vic “Vicious” Saludar at Roberto “Inggo” Paradero ang bakanteng WBA (regular) championship belt sa Enero 30 sa Elorde Sports Center sa Paranaque City.
Muling idedepensa ng 24-anyos mula Libon, Albay na si Taduran (14-2-1, 11KOs) ang titulo sa ikalawang pagkakataon laban sa matikas na Jose Dalman, Zamboanga del Norte-native na si Cuarto (18-2-2, 11KOs) na todo ang pagsasanay matapos mabigyan ng unang pagkakataon na lumaban sa world title fight dahil sa bakanteng No.1 at No.2 ranked contenders.
Nagsasanay ang WBO oriental minimum titlist kay coach Nonoy Neri sa MP Boxing sa Davao City. Lubos ang pasasalamat ng Zamboanga boxer sa pagbibigay ng tsansang makalaban ito sa isang World title fight laban sa southpaw boxer na si Taduran na may 3 fight winning streak.
Nakahanda si Taduran na muling ipagtanggol ang korona na nagsasanay sa La Union, ayon sa manager nitong si Art Monis. “What I know of Cuarto is that he is tough and strong,” saad ni Taduran sa panayam ng RingTV.com, na kasalukuyang sinasanay ni dating IBF junior flyweight titleholder Tacy Macalos. “But from what I see I can handle him.”
Maaaring madagdagan naman ng panibagong kampeon ang Pilipinas sa sino mang magwawagi kina Saludar at Paradero na No. 4 at No.5 ranked sa WBA minimumweight, ayon sa pagkakasunod. Ito ang ikalawang beses na sasabak sa World title fight ang 30-anyos mula Polomolok, South Cotobato na si Saludar (20-4, 11KOs), habang unang beses naman sa pandaigdigang kampeonato ang wala pang talong si Paradero (18-0, 12KOs), na mas bata ng 6-taon mula Valencia City, Bukidnon.
Comments