ni Mylene Alfonso @News | October 7, 2023
Binigyang-diin ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pangako ng administrasyong Marcos na lumikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Ito ay matapos maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 4.4% na unemployment rate sa buwan ng Agosto na mas mababa kumpara sa 4.8% na naitala noong Hulyo.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na mapalago ang ekonomiya ng bansa na magreresulta sa mas maraming trabaho.
Pinagaganda rin ng pamahalaan ang business climate ng bansa para makahikayat ng maraming investor o mamumuhunan.
Tinukoy ni Balisacan ang pag-apruba ng Senado sa public, private partnership act, at dahil sa national innovation agenda and strategy document 2023 to 2032, inaasahan ang mas masiglang oportunidad sa Philippine labor market.
Una nang inanunsyo ng PSA na bahagyang nabawasan ang bilang ng mga walang trabaho noong Agosto.
Sa talaan, umabot sa 2.21 milyon kumpara noong Hulyo na naitala sa 2.27 milyon.
Ayon kay Undersecretary Claire Dennis Mapa, National Statistician at chief ng PSA, mas mababa rin ang nasabing bilang sa naitalang 2.68 milyon na walang trabaho noong Agosto ng nakaraang taon.
Naitala naman sa 4.4% ang unemployment rate.
Samantala, nadagdagan naman ang bilang ng may trabaho nitong Agosto na umabot sa 48.7 milyon mula sa 44.63 milyon noong Hulyo. Ito ay mas mataas pa sa 47.87 milyon na may trabaho noong Agosto noong nakaraang taon.
Comments