top of page
Search
BULGAR

Tambak na problema sa LTO, ‘di kinaya ni Tugade

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 1, 2023


Ngayong araw, magwawakas ang panunungkulan ni Atty. Jose Art ‘Jay Art’ Tugade bilang chief ng Land Transportation Office (LTO) matapos itong magsumite ng resignation noong Mayo 22, 2023.


Sa loob ng pitong buwang panunungkulan ni Tugade bilang Assistant Secretary ng LTO, kitang-kita naman ang pagtatangka nitong ayusin ang buong ahensya ngunit nabigo ito at tahasang inamin ang hindi maayos na pakikitungo sa Department of Transportation (DOTr).


Napakaraming problema ang dinatnan ni Tugade pagdating niya sa LTO, ngunit dahil sa napakaraming kapalpakan ng naturang ahensya at laganap na korupsyon, bumaba sa puwesto si Tugade na taas noo kahit hindi niya napagtagumpayang ayusin ang buong ahensya.


Isa sa inabutang problema ni Tugade na ngayon ay nais silipin ng Senado at Kamara ay ang information technology (IT) contractor ng LTO, na sa pag-alis ni Tugade ay nananatiling problema ang mga isyung hindi pa rin nareresolba hinggil sa driver’s license at vehicle registration.


Ayon sa National Public Transport Coalition (NPTC), umabot na sa 14 extensions at mahigit na dalawang taong pagkakaantala, ngunit hindi pa rin nabubuo ng German contractor na Dermalog ang integrated system para sa LTO.


Sa halip na bumilis at gumaan ang trabaho, labis pa itong nakakaapekto sa pagproseso ng mahahalagang dokumento tulad ng pagkuha ng driver’s license at renewal ng rehistro ng sasakyan na dahilan din para magkaroon pa ang mga ‘fixer’ na sumistema.


Nakakalungkot isipin na nakabayad na ang LTO ng 80% ng P3.4 bilyon para sa nasabing kontrata na dapat ay pinakikinabangan na, ngunit natapos na lamang ang panunungkulan ni Tugade nang hindi man lamang ito naramdaman.


Dahil sa pagkabigo ng Dermalog na sumunod sa kontrata, grabeng naapektuhan nito ang inaasahang gagaan na pagproseso ng driver’s license at motor vehicle registrations na naging sanhi pa ng karagdagang problema.


Nagdulot pa kasi ito ng karagdagang problema tulad ng paglaganap ng korupsyon sa iba’t ibang tanggapan ng LTO, dumami ang mga kolorum sa hanay ng public transport at lumala pa ng labis ang problema sa carnapping na karagdagang problema sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP).


Kaya hindi natin masisisi ang NPTC kung bakit patuloy sila sa pag-iingay hinggil dito, kaya nararapat lamang na magpaliwanag ang Dermalog kung bakit nangyari ito na umagaw na sa atensyon ng Senado at Kamara.


Dapat kasing malaman ng publiko kung bakit hindi nakasunod sa kontrata ang Dermalog na ayusin ang IT system sa loob ng anim na buwan mula sa delivery date nito noon pang Disyembre 2018, bagay na sobrang tagal na.


Ang problemang ito ay dinatnan at namana ni Tugade dahil nang maupo siya bilang Assistant Secretary ng LTO noong Nobyembre 2022 ay pirmado na ang joint venture agreement noon pang 2018.


Kaya sa buong panahon ng panunungkulan ni Tugade, tinututukan na niya ang naturang problema at katunayan ay nais niyang magpataw ng penalty sa Dermalog o tuluyan nang ibasura ang kontrata.


Kaso sa dami nang sumabog na problema at intriga ay hindi na kinaya ni Tugade ang sitwasyon, lalo pa nang magkaroon ng pakikialam ang DOTr sa procurement na nagresulta sa kakapusan ng driver’s license at ngayon pati ang plaka ng motorsiklo at four-wheeler vehicle.


Nakakahinayang na sa ilalim ng panunungkulan ni Tugade ay isusulong na sana nito ang digitalization sa system at operation ng LTO para mas maging mabilis at pulido ang lahat ng transaksyon, ngunit bigla itong napundi kaya nauwi sa wala ang lahat.


Napakarami ng problemang inabot ni Tugade sa pagdating niya sa LTO at nakita rin naman natin na sa napakaikling panahon ng pananatili niya sa puwesto ay naging maingay ang naturang ahensya at may mga ‘fixer’ din naman siyang naipakulong sa kabila ng malalim na ugat ng korupsyon sa buong tanggapan.


Ngayon ang huling araw ni Tugade, pero maiiwan niya ang santambak na anomalya sa LTO na sayang at hindi niya natapos maresolba.



 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page