ni Lolet Abania | September 5, 2020
Tambak na basura ang nakolekta ng mga kawani ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kasabay ng cleanup activity ng ahensiya sa baybaying-dagat ng Manila Bay sa Roxas Boulevard, Manila ngayong Sabado.
Ayon sa MMDA, nakatakda ngayong araw at sa mga susunod pa ang paglilinis sa baybayin ng Manila Bay upang muling maibalik ang kagandahan ng lugar habang matinding pagbatikos naman ang ibinabato sa Department of the Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa kasalukuyang proyekto ng ahensiya na pagtatambak ng puting buhangin sa gilid ng kahabaan ng look ng naturang siyudad.
Samantala, nagbigay ng pahayag si DENR Undersecretary Benny Antiporda na hindi ihihinto at ipagpapatuloy ang pagtatambak ng puting buhangin sa nasabing lugar sa kabila ng mga puna sa ahensiya.
Tiniyak din ni Antiporda na dumaan ang proyekto sa masusing pagsusuri at maayos na proseso. Gayundin, inaasahan ng ahensiya na maiinspeksiyon ang proyekto sa September 19, kasabay ng International Coastal Clean Up Day.
Comments