top of page
Search
BULGAR

Tamang pagpaparusa sa quarantine violators, ‘wag kalimutan!

ni Ryan Sison - @Boses | August 11, 2021



Sa muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, balik ang ilang paghihigpit tulad ng paglalagay ng mga checkpoint, pagpapatupad ng curfew at limitadong tao lamang ang pinapayagang makalabas ng tahanan.


Ngunit tulad ng inaasahan, may mangilan-ngilan pa ring lumalabag at ibig sabihin, kailangang parusahan ang mga ito.


Kaugnay nito, ipinaalala ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa lahat ng tagapagpatupad ng batas na may proseso sa pag-aresto ng mga lumalabag sa health at quarantine protocols.


Paliwanag ng opisyal, may joint memorandum circular ang Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa naturang proseso.


Dagdag pa ni Guevarra, may mga baas o ordinansa na pinapayagan ang pagmumulta na lang sa paglabag o ang pagbibigay ng community service upang hindi na maharap sa kasong criminal ang mga lumabag dahil sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagsisiksikan sa mga kulungan at holding areas.


Gayunman, kung kakailanganing kasuhan ang lumabag, dapat itong maiharap agad sa inquest prosecutor na kinakailangan ding magdesisyon agad.


‘Ika nga, hindi ito ang unang pagkakataong mang-aaresto at magbibigay-leksiyon sa mga lumalabag sa quarantine protocols, kaya dapat alam na ng ating kapulisan ang mga dapat at hindi dapat gawin.


Bagama’t nauunawaan nating nais maturuan ng leksiyon ang quarantine violators, tandaan na may karapatang-pantao tayong hindi dapat malabag.


Kung gusto nating magtanda ang mga pasaway, tiyaking tamang paraan ng pagpaparusa ang ating gagawin.


Hangad nating magsilbi itong paalala at babala sa lahat ng alagad ng batas at tandaan na ‘wag masyadong mayabang. Hindi porke naka-uniporme at may armas, malaya na kayong gawin ang gusto ninyo.


Tandaan na kailangan pa ring pairalin ang maximum tolerance at pagiging makatao sa lahat ng pagkakataon. Nariyan kayo sa serbisyo para panatilihin ang peace and order, at hindi upang pagmulan ng panibagong problema.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page