ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 30, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay may diabetes at may maintenance naman ako. Sabi ng kaibigan ko, masama raw ang 3-in-1 coffee sa mga diabetic. Sa kaso ko ay nakakaapat na tasa ako sa maghapon mula almusal. Ano ang mainam gawin ‘pag ganu’n? – Jun
Sagot
Ang isang tasang kape ay may 2 calories lamang kung black coffee ito. Ibig sabihin, walang asukal at walang creamer. Ang black coffee ay mababa sa calories kaya puwede siyang inumin ng may diabetes.
Ang isyu ay kung ano ang idinaragdag sa kape kaya tumataas ang calories nito.
Halimbawa, ang isang kutsara ng mga sumusunod ay ganito karami ang calories:
Heavy whipping cream: 52 calories
Table sugar: 49 calories
Half and half (gatas): 20 calories
Fat-free milk: 5 calories
Ang coffee creamer naman ay depende sa brand, 40 hanggang 90 calories bawat dalawang kutsara. Dumadagdag ang calories, depende kung ano ang dinadagdag sa kape at kung ilang tasang kape ang iniinom bawat araw.
Ang bawat tao depende sa timbang, taas at aktibidad ay may kaukulang bilang ng calories na kailangan bawat araw. Kung sobra ng 500 calories ang kailangan ng katawan, puwedeng madagdagan ang timbang ng 2 pounds bawat linggo. Alam nating hindi nakakabuti ang pagdagdag ng timbang sa taong may diabetes.
Paano naman kung ang 3-in-1 coffee ay sugar free? Sa mga nakita nating 3-in-1 coffee sa supermarket, ang calories ng isang tasa ay 70-90 calories. Tandaan na ang kalahating tasa ng kanin ay 100 calories para mapagkumpara.
Puwedeng uminom ng kape kung black coffee ito dahil mababa ang calories. Ngunit ilang tasa? Puwedeng higit sa isang tasa kung walang problema sa puso. Tandaan na ang kape ay may caffeine at dahil dito, puwedeng magkaroon ng palpitations kung labis. Para sa mga may problema sa puso, magpaalam muna sa inyong doktor. Mas maigi siguro kung decaffeinated coffee na lamang ang iinumin.
Kung 3-in-1 coffee naman ang nais inumin sa umaga, kung isang beses lang naman ay okay na. Kung higit sa isang tasa, puwedeng 3-in-1 ang isang tasa at ang mga sumunod ay black coffee na lang.
Comments