top of page
Search
BULGAR

Tamang pagko-compute ng maternity benefit sa SSS

@Buti na lang may SSS | July 25, 2021



Dear SSS,

Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung paano kino-compute ang SSS maternity benefit? Magkano naman ang benefit na maaari kong makuha para rito? Salamat. – Shiela ng Malolos, Bulacan


Sagot


Mabuting araw sa ‘yo, Shiela!


Ang SSS Maternity Benefit ay cash allowance na ibinabayad ng SSS sa kababaihang miyembro nito para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa panganganak. Sa ilalim ng Republic Act 11210 o mas kilala sa Expanded Maternity Leave Law (EMLL), 105-araw na ang ibinabayad na maternity leave sa miyembro ng SSS, maging ito ay normal o caesarian delivery mula Marso 11, 2019. Samantala, binibigyan naman ng 60-araw na bayad na maternity leave ang kababaihan na nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy (ETP).


Paano nga ba maging kuwalipikado sa programang ito? Una, dapat alamin natin ang semestre ng panganganak. Ito ay binubuo ng dalawang magkasunod na kuwarter o katumbas ng anim na buwan at nagtatapos sa kuwarter kung saan nakapaloob ang buwan ng panganganak. Kapag alam na ang semestre ng panganganak, tingnan ang 12-month period matapos ang semester at alamin kung may hindi bababa sa tatlong hulog ang miyembro. Kung mayroon siyang tatlong hulog (o higit pa) sa loob ng 12-month period na ito, qualified siya sa benepisyo sa panganganak.


Sunod, alamin mo ang iyong average daily salary credit. Kinukuwenta ang average daily salary credit (ADSC) sa pamamagitan ng pagpili ng anim na pinakamatataas na monthly salary credit sa loob ng 12-month period. Kunin mo ang kabuuang halaga ng anim na MSC na ito at i-divide sa 180 (constant divisor). Anumang halaga na makuwenta rito ay ang iyong average daily salary credit.


Panghuli, i-multiply ang average daily salary credit sa 105 kung normal o caesarian delivery o kaya sa 60 kung nakunan o emergency termination of pregnancy upang makuha kung magkano ang maternity benefit na iyong matatanggap.


Halimbawa, ang miyembro ay nanganak noong Hunyo 26, 2021 at sumusuweldo ng P20,000 kada buwan. Ang semester of contingency niya ay mula Enero hanggang Hunyo 2021. Kaya ang 12-month period niya ay magsisimula sa Enero 2020 hanggang Disyembre 2020. Dito pipiliin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit. Ipagpalagay natin na P20, 000 ang suweldo niya kada buwan sa loob 12-month period. Kukunin natin ang total ng anim na napiling MSC at makukuha natin ang 120,000, tapos idi-divide ang 120,000 sa 180. Ang lalabas na average daily salary credit ay P666.67. Ang P666.67 ay i-mu-multiply sa 105 kung normal o caesarian delivery at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P70, 000.


Subalit kung nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy, i-multiply ang P666.67 sa 60 at ang makukuha niyang benefit ay nagkakahalaga ng P40, 000.


Dapat palaging siguruhin ng miyembro na updated ang kanyang kontribusyon sa SSS upang maging kuwalipikado sa maternity benefit program. Samantala, wala nang kaukulang limit ang anumang pagdadalang-tao ng miyembro mula noong ipatupad ang EMLL.


◘◘◘


Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaari ng magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page