top of page
Search
BULGAR

Tamang impormasyon tungkol sa bakuna, ipaalam sa publiko

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 5, 2021



Ang anumang bagay na hindi pinaghandaan, kadalasan nauuwi sa kapalpakan.


Handa na nga ba tayo sa malawakang immunization program ngayong nagdaratingan na ang mga bakuna?


Ayon sa mga media reports, marami sa ating mga kababayan ay atubiling magpabakuna. Bunsod marahil ito sa kakulangan sa kaalaman tungkol sa benepisyo nito, at sa nababalitaan nila sa ibang bansa na mga malalang side effects at nauuwi pa sa pagkasawi.


Nitong nakaraang mga araw, nasaksihan natin ang pagpapaturok ng mga health workers at frontliners, pati na rin ang ilang opisyales ng gobyerno. Sana ay naibsan, kahit bahagya, ang alinlangan ng ilan nating mga kababayan.


Pero, tanggapin nating hindi sapat ang information campaign ng ating pamahalaan dahil kulang sa partisipasyon ang mga pribadong media networks at publications.


Bilang parte ng kanilang corporate social responsibility, dapat maglaan ang mga TV at radio stations ng ilang minuto kada araw para sa infomercials kung saan ilalahad ang mga dapat malaman ng publiko tungkol sa bakuna at sa COVID-19.


Ang mga tabloid, diyaryo at magasin naman ay maaaring maglabas ng katumbas na mga infographics.


At lahat ng ito dapat ay libre. Walang gastos sa gobyerno bilang pagtugon ng media sa pangangailangan ng panahon at ng taumbayan.


‘Yan ang IMEEsolusyon para sa kakulangan sa impormasyon tungkol sa mga bakuna—na kung tutuusin ay nakapagtataka, bilang tayo ay nasa sinasabing age of too much information.


Hindi naman inaalis ng gobyerno ang karapatan ng mamamayan na mamili ng gusto nilang brand ng bakuna. Pero, higit sa lahat, kailangan silang makumbinsi na magpabakuna dahil ito ang nararapat para sa sarili at sa nakararami.


Posible ring magdulot ng komplikasyon sa pag-iimbak at delivery ng bakuna ang mga pagdududa at maaaring magbunga ito ng dagdag-gastusin at pagsasayang. Kaya dapat effort pa more ang ating gobyerno para maka-engganyo ng magpapa-iniksyon.


Sa totoo lang, hindi lang ang mga Pinoy ang takot at may duda sa mga bakuna, nangyayari rin ito sa iba’t ibang panig ng mundo.


Isa pang IMEEsolusyon para paigtingin ang information campaign ay ang paggamit ng mga influencer na opisyal ng gobyerno o mga taga-showbiz na nagpapa-iniksyon, ‘di ba!


Hindi lang ‘yan, IMEEsolusyon ding linawin ng gobyerno ang sinasabing indemnification policy nito at kung paano gagastusin ang P500 milyong nakalaan para rito sakaling magkaproblema sa kalusugan dahil sa pagpapabakuna.


Puwede ring magbigay ng mga insentibo ang nasa pribadong sektor sa kanilang mga empleyado habang nirerespeto pa rin ang kalayaan na magdesisyon kung magpapabakuna o hindi. ‘Ika nga, para-paraan lang ‘yan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page