top of page
Search
BULGAR

Talupan ang pagkakasangkot ng POGO service sa ilegal na gawain

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 8, 2022


Noong Lunes, sa pagdinig natin sa budget ng Anti-Money Laundering Council o AMLC, nalaman natin sa isa nilang 2020 report na marami sa mga service providers (SPs) ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang konektado sa mga indibidwal o grupo na umano’y benepisaryo ng mga ilegal na aktibidad, tulad ng fraud at ilegal na droga.


Nakakabahala ito kung magkaganun.


At dahil hindi biro ang natuklasan nating ito, agad nating kinalampag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at ang AMLC na kung puwede, mas paigtingin pa ang mga ipinatutupad nilang regulasyon sa POGO.


Lumalabas na may mga kahina-hinalang transaksyon ang service providers ng internet-based casinos kung pagbabasehan ang report ng AMLC.


Sabi sa report, may ilang transaksyon na kinabibilangan ng mga indibidwal na wala namang malinaw na koneksyon sa mga service providers. At itong mga service providers, posibleng gumagamit ng money service business accounts para sa naglalakihang forex transactions.

Ang mabigat pa riyan, ang ilan sa mga service providers ay konektado umano sa napakaraming identified entities na kumikita sa fraud at tumatanggap ng pera galing sa droga.

Ibig sabihin nito, ayon sa konklusyon ng ginawang pag-aaral ng AMLC, mas mapanganib ang mga service providers kesa sa mismong POGOs.


Ang POGO licensee kasi ay kumpanya na nag-o-operate online —meron silang mga online games or sporting events na maaaring lahukan via internet na kailangang suportado ng network and software or program. Kakailanganin dito ang service providers dahil sila ang mamamahala sa technical services, tulad ng pag-live stream ng laro para sa non-Filipino offshore gamers or customers.


Sabi nga ng AMLC, kahit nasa ilalim ng pangangasiwa ng lahat ng PAGCOR ang mga POGO at isinasailalim sa Anti-Money Laundering Covered Transaction Framework (AML-CFT), technically, hindi naman lisensyado ng PAGCOR ang mga service providers. Kinikilala lang sila ng PAGCOR bilang technical provider at operational servers sa mga POGO.


Ang isa pang bagay na kuwestiyonable, walang accountability measures sa mga POGO. Walang malinaw na beneficial ownership. Walang pangalan or identification. Puro korporasyon lang. Kapag may illegal na ginawa, mahirap habulin. Base 'yan sa datos mula sa PAGCOR at sa report ng AMLC. Kasi, kung titignan natin ang data ng PAGCOR, may 340 POGOs SP, SC BPOs na kabilang sa industriya nila na posible namang regulated nila pero, lumalabas na walang beneficial owner. Puro korporasyon na puwedeng magsara, pero puwede ulit magbukas at magsimula ng bagong korporasyon.


Sa ilalim ng Securities and Exchange Commission o SEC, obligado ang mga incorporators at stockholders na ideklara ang kanilang beneficial owner. Pero sa report ng AMLC, nalaman nating napakaraming unregulated or unsupervised SPs dahil hindi sila sakop ng AML-CFT. At dahil hindi sila under supervision ng AML-CFT, bukas na bukas sila sa posibleng pagpasok ng criminal organizations.


Palagay natin, maraming magagawa ang PAGCOR at AMLC para maresolba ang samu’t saring isyu, tulad nito. At anuman ang magiging desisyon ng Kongreso o ng Presidente tungkol sa POGO, kailangan pa rin nating magpatupad ng istriktong regulasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page