ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 21, 2024
Ang aming tanggapan ang kadalasang takbuhan ng mga inakusahan ng krimen, lalo na ng mga maralita at walang pinansyal na kakayahang kumuha ng pribadong abogado. Gayunman, sa aming pagtatanggol sa mga inakusahan, hindi maalis sa aming puso’t isipan ang daing ng mga biktima, lalo na ang mga biktima ng mga karumal-dumal na krimen tulad ng pamamaslang na hindi nakatanggap ng kalutasan at katarungan.
Ito ang tangis ng aming damdamin para sa pumanaw ng biktima na si Donald. Ang napagbintangan sa kanyang pamamaslang ay sina alias “Buyong” at “Hamel”. Tunghayan natin ang nangyari sa kaso na isinampa sa dalawa na umabot sa Court of Appeals, ang People of the Philippines vs. David Ortega y Lagahit/Gerald Ortega alias “Buyong” (CA G.R. CR-HC NO. 15105, November 20, 2023).Sina Buyong at Hamel ay napagbintangan na nagsabwatan umano sa pamamaril kay Donald. Matinding sugat umano ang natamo ng biktima na naging sanhi ng agaran niyang pagpanaw, sa kapinsalaan ng kanyang mga naulila.
Kasong murder ang isinampa kina Buyong at Hamel ng Regional Trial Court (RTC) sa Lungsod ng Quezon.Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, alas-12:45 ng hating gabi, noong Hulyo 20, 2015, naglalakad umano si Donald sa isang kalsada sa Barangay Payatas, Lungsod ng Quezon, kasama sina Alejandro, Alvin, at dalawa pang babae. Nang marating umano nila ang kanto ng naturang kalsada, nakita nila si Hamel at 8 pang katao na mayroong hawak na mga bato. Pinagbabato umano ng grupo ni Hamel ang grupo ni Donald. Agad naman umanong gumanti sina Donald, Alejandro at Alvin, habang mabilis namang tumakas ang dalawang babae na kasama nila.
Umatras na umano ang grupo ni Buyong, ngunit ikinagulat ng grupo nila Donald nang makita na lamang nila na biglang lumabas mula sa isang eskinita sina Buyong at Hamel na mayroon diumanong bitbit na “sumpak”.
Agad umanong tumalilis ang grupo nila Donald sa takot para sa kanilang mga kaligtasan. Pero sa kasamaang-palad, naabutan nina Buyong at Hamel si Donald. Pinaputukan umano ni Hamel si Donald ng kanyang sumpak na naging sanhi upang mapahiga sa lupa ang biktima. Pinaputukan din umano ni Buyong ng kanyang sumpak ang biktima upang masiguro na wala na itong buhay.
Matapos nu’n ay agad na tumalilis sa lugar sina Buyong at Hamel. Agad namang pinuntahan ni Alvin si Donald upang suriin ang kalagayan nito. Nadala pa sa pagamutan si Donald, ngunit binawian din ito ng buhay. Sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI), napag-alaman na tama ng bala sa kanang lumbosacral area ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Mariing pagtanggi naman ang iginiit ng mga inakusahan. Bilang depensa ni Buyong, natulog umano agad siya pagkauwi niya galing sa trabaho, noong Hulyo 19, 2015, alas-10:40 ng gabi. At nagising na lamang umano siya alas-7:00 ng umaga, Hulyo 20, 2015. Hindi umano siya umalis ng kanilang bahay, kaya wala umanong posibilidad na ginawa niya ang krimen na ibinibintang sa kanya.
Kawangis na depensa rin ang iginiit ni Hamel. Diumano, pagkauwi niya ng bahay noong Hulyo 19, 2015, alas-7:00 ng gabi, kumain lamang siya at agad ding natulog. Nagising na lamang umano siya noong Hulyo 20, 2015, alas-6:00 ng umaga. Kung kaya’t tulad ni Buyong, imposible umano na naroon siya nang maganap ang pamamaril.
Gayunman, batay umano sa sulat mula sa Quezon City Jail Warden, pumanaw si Hamel noong Setyembre 6, 2020.Noong Nobyembre 24, 2020 ay naglabas ng desisyon ang RTC. Guilty para sa krimen na murder ang naging hatol kina Buyong at Hamel. Napatunayan diumano ng ebidensiya ng prosekusyon ang pagsasabwatan nila, at sa pamamagitan umano ng treachery at abuse of superior strength ay naisakatuparan nila ang pamamaslang sa biktima.
Hindi sang-ayon si Buyong sa naturang desisyon, kung kaya’t agad siyang naghain ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA). Iginiit niya na dapat siyang mapawalang-sala, sapagkat hindi umano napatunayan ng ebidensiya ng tagausig ang higit sa makatuwirang pagdududa.
Partikular, hindi umano napatunayan ng tagausig ang kanyang pagkakakilanlan bilang salarin sa krimen, na mayroong sabwatan sa pagitan nila ni Hamel, at na gumamit sila nga treachery at abuse of superior strength. Sa ibinabang desisyon ng CA, ipinaalala nito na ayon sa ating Saligang Batas, ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente sa krimen hanggang ang kanyang pagkakasala ay mapatunayan sa hukuman nang higit sa makatuwirang pagdududa.
Bagaman binibigyan din umano ng halaga ang mga kapasiyahan ng mababang hukuman kaugnay sa kredibilidad ng mga saksi na humarap rito, maaari umanong tingnan muli sa apela kung mayroon bang mahahalagang sirkumstansya na nakaligtaan ang naturang hukuman na maaaring magpabago sa naging desisyon nito.
Matapos ang masusing muling pag-aaral sa apela ni Buyong, iginawad sa kanya ng appellate court ang hatol na pagpapawalang-sala. Para sa CA, hindi umano napatunayan nang higit sa makatuwirang pagdududa ang pagkakakilanlan ng inakusahan bilang siyang salarin sa nasabing krimen.
Naging kapuna-puna rin sa CA na hindi sigurado si Alejandro, isa sa mga saksi ng panig ng tagausig, kung si Buyong nga ba ang partido na umaapela. Hindi rin umano ito sigurado kung binaril nga ba ni Buyong ang biktima. Sinabi pa diumano ni Alejandro na maaaring ang mga kasamahan ni Buyong ang bumaril sa biktima.
Samantala, si Alvin, isa rin sa mga saksi ng tagausig, na nagsabing narinig lamang niya ang tunog ng putok ng sumpak, na kapwa umanong may hawak na sumpak sina Buyong at Hamel, at na kapwa umanong nagpaputok ang mga ito. Pero hindi umano nasaksihan ni Alvin kung sino sa pagitan ng dalawang inakusahan ang bumaril na nakasugat sa biktima na naging sanhi ng pagpanaw nito.
Ang hindi malinaw na mga testimonya nina Alvin at Alejandro, at ilan sa mga pagkakasalungat ng kanilang testimonya, at ang pagkabigo na positibong kilalanin si Buyong bilang may-akda ng krimen ang nagdulot umano ng pagdududa sa isipan ng CA na may kinalaman si Buyong sa pagkakapaslang kay Donald.
Muling ipinaalala ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo D. Ampuan ng Thirteenth Division, na:
“Proving the identity of the accused as the malefactor is the prosecution's primary responsibility. Thus, in every criminal prosecution, the identity of the offender, like the crime itself, must be established by proof beyond reasonable doubt. Indeed, the first duty of the prosecution is not to prove the crime but to prove the identity of the criminal, for even if the commission of the crime can be established, there can be no conviction without proof of identity of the criminal beyond reasonable doubt.”
Para sa CA, hindi umano naitaguyod ng ebidensiya ng tagausig ang sabwatang ibinibintang kina Buyong at Hamel.
Binigyang-diin ng CA na ang sabwatan o conspiracy ng mga inakusahan ay hindi ipinagpapalagay lamang. Bagaman ito ay hindi elemento ng krimen, ito ay kinakailangan pa ring patunayan nang higit sa makatwirang pagdududa. Maliban umano sa payak na alegasyon ng tagausig ukol sa diumano’y sabwatan sa pagitan nina Buyong at Hamel ay wala na umanong ibang ebidensiya na magpapatunay sa naturang alegasyon.
Ipinaalala ng appellate court na mariin nitong kinokondena ang walang katuturang krimen at ang taos puso nitong pakikiramay sa naulila ng biktima. Magkagayunman, binigyang-diin nito na hindi napatunayan ng tagausig na may moral na katiyakan na ang inakusahan ang may-akda sa pamamaslang kay Donald. Kung kaya’t higit umano na marapat na ibaba ang hatol ng pagpapawalang-sala. Ang Desisyon na ito ng CA ay naging final and executory noong Nobyembre 20, 2023.
Bagaman ipinagmamalaki ng aming tanggapan ang bawat tagumpay na nakamit ng mga Manananggol Pambayan sa bawat sulok ng ating bansa na patuloy na nagtatanggol sa ating mga maralitang kababayan na inaakusahan, hangad din namin ang kalutasan sa bawat krimen at katahimikan ng kalooban ng bawat biktima, kabilang na ang mga kaluluwa ng mga biktima na namayapa.
Para sa sinapit ni Donald, panalangin namin na maresolba pa rin ang misteryo kung sino talaga ang may-akda sa kanyang pamamaslang. Nawa ay adyain ng langit na malutas ang karumal-dumal na krimen sa pamamagitan ng pagdakip sa salarin at pagbabayad sa ilalim ng ating batas. Nawa ito ay adyain ng langit upang ang pagdaing niya mula sa kanyang hukay ay matapos na.
Comments