PAG-AARALIN NI JOHN PRATS.
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 24, 2021
Bumuhos ang biyaya sa itinanghal na "Reinanay of the Day" na si Manilyn Malupa sa nakaraang episode ng noontime program na It’s Showtime nitong Miyerkules (Hulyo 22).
Sa panayam kay Manilyn ng mga hosts na sina Vice Ganda at Kim Chiu, ikinuwento niya ang mga hirap sa buhay na kanyang pinagdaraanan.
Siya ang panganay sa labingdalawang magkakapatid subali't dahil sa kakapusan din sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya, nahihiya raw siyang idulog pa sa mga kapatid ang kanyang hirap dahil sila man daw ay kinakapos.
Tanging ang kapitbahay daw niyang si Ate Baby ang kanyang daingan sa bawat problema at nagpapasalamat siya dahil walang sawa at patuloy pa rin siyang tinutulungan nito.
“Siya po si Ate Baby. Siya po ‘yung kapitbahay namin na nagpapahiram sa akin ng cellphone para po makasali ako rito sa Showtime. Nu’ng nag-audition po ako, cellphone po niya ‘yung ginamit. Saka, ‘pag kailangan ng online class, siya rin po ‘yung takbuhan ko ‘pag kailangan po mag-online class ng mga anak ko. Nanghihiram po ako sa kanya ng cellphone,” kuwento ni Manilyn.
Alam daw niya ang kapasidad sa buhay ng kanyang mga kapatid kaya't hangga't maaari, ayaw niyang lumapit at humingi ng tulong sa mga ito.
“Alam mo, Ate Baby, ako ‘yung panganay sa 'min. Dose kaming magkakapatid. Saka pangarap po talaga natin na masarap na may kapatid tayong matatakbuhan. Tatay, nanay na matatakbuhan.
“Pero, paano ako tatakbo kung nakikita ko naman na hirap din ho sila sa buhay? Kaya hangga’t kaya ko pa, ako na lang po. Saka 'andiyan naman po si God, nagpo-provide at tutulong sa akin.”
Tuloy, sa awa ni Vice, nanawagan ito sa ilang mababait na netizens na bigyan ng kahit konting donasyon si Manilyn sa kanyang Gcash account. Bukod pa rito ang ambag niyang cosmetics products na puwedeng ibenta ng Reinanay na si Manilyn.
“Hindi ko kayang mapalampas ‘to. Kanina ko pa iniisip. Paano ko kaya mabibigyan ng tulong itong si Manilyn? Bibigyan kita ng mga produkto ng Vice Cosmetics. Ibenta mo para hindi saktong pera ‘yung ibinigay ko sa 'yo. Para masabi mong ‘Hindi naman ako saktong binigyan ng pera ni Vice, eh. Ako mismo ‘yung nagtrabaho nito kaya kinita ko.’ Bibigyan din kita ng konting pangkain,” sey ni Vice.
Hindi pa natatapos ru'n ang mga biyaya para kay Manilyn dahil mula sa It’s Showtime director na si John Prats ang pangakong siya ang sasagot sa pagpapaaral sa tatlong anak ni Manilyn.
O, 'di ba, talbog ni John si Vice?
Pasimpleng sabi ni Vice, “Sabi ni Direk John Prats, ie-enroll niya raw 'yung tatlong anak mo sa online school. Siya raw ang bahala!"
Comments