top of page
Search

Talamak na voice phishing at iba pang scam

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 6, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Umiskor kamakailan ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) matapos nilang masakote ang 9 katao, kabilang dito ang dalawang kilalang vlogger, dahil sa pagkakadawit sa voice phishing at iba pang scam. 


Nabatid na sinalakay ng mga tauhan ng PNP-ACG ang isang bahay sa Imus, Cavite, kasama ang mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at lokal na pulisya bitbit ang warrant to search, seize at examine computer data. 


Modus ng mga suspek na magpanggap na kinatawan ng mga bangko at kinukumbinsi ang mga biktima na i-update ang kanilang credit card sa pamamagitan ng pagkuha ng mahahalagang impormasyon at One-Time-Pin (OTP). 


Nakumpiska sa kanila ang mga SIM card, mga mobile device, laptop, iba’t ibang bank document, ledger at script na siyang ginagamit ng mga ito sa kanilang pang-i-scam. 

Ang mga naaresto ang unang masasampulan ng kasong paglabag sa Republic Act 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kamakailan. 


Bukod pa ito sa mga haharapin nilang kaso gaya ng paglabag sa Republic Act 8484 o ang Devices Regulation Act of 1998 at Republic Act 10173 o Data Privacy Act, in relation to Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act. 


Ibig sabihin ay nagbunga ang pagsisikap ng PNP-ACG na makasakote ng scammer lalo pa at daan-daang complaint ang kanilang natatanggap araw-araw. Nagbigay din ito ng malinaw na senyales na sa kabila ng persepsyon na baka walang pupuntahan ang mga reklamo ay mapapanagot din ang mga scammer. 


Sa pangyayaring ito ay nabuhayan ang napakarami nating kababayan na biktima ng mga manloloko na hanggang ngayon ay namamayagpag, kahit may umiiral nang SIM card registration. 


Sabagay, noon pa naman kasi ay nananawagan na ang mga imbestigador ng PNP-ACG na dapat ay gawing personal ang pagpaparehistro ng SIM upang hindi umano makapaghanda ang mga scammer tulad ng nangyayari na tuloy pa rin ang kanilang panloloko. 


Talamak din ang bentahan ng registered SIM card at kamakailan lamang ay napakaraming nakumpiska nito sa pag-iingat ng mga nasakoteng suspek na nagbebenta ng mga ito sa isang shopping mall sa San Juan City. 


May punto naman ang mga operatiba ng PNP-ACG na hindi natin dapat iasa sa mga telephone company (telcos) ang SIM card registration dahil conflict of interest ito sa kanilang negosyo — bukod pa sa hindi ligtas na prosesong ipinatupad umano ng telcos sa nagdaang registration. 


Sa kasagsagan ng SIM registration ay napakaraming scammer ang nagawang makapagparehistro ng SIM sa pekeng pagkakakilanlan na siya nilang ginagamit ngayon para muling makapambiktima. 


Sa totoo lang parang mas humirap pa ngayong tumukoy ng mga scammer dahil puro peke ang kanilang pagkakakilanlan kung saan napaghandaan nga nila ang panahong lahat ng SIM card ay rehistrado na. 


Kaya balik na naman tayo sa pagpapaalala sa ating mga kababayan na magdobleng ingat sa mga naglipana pa ring masasamang-loob online. 


Hindi na dapat natin isa-isahin pa ang istilo ng mga scammer dahil wala naman silang bagong modus kundi dati pa rin — ang pagkakaiba lang, mas napabuti ang kanilang kalagayan ngayon dahil sa peke na ang kanilang identity. 


Ang mga scammer ding ito ang nasa likod ng mga lending online na ang tatamis ng dila kapag nag-aalok ng pautang ngunit halos isandaang porsyento ang tubo kapag maniningil na at kapag naantala ang pagbabayad ay guguluhin na ang buhay ng umutang. 


Nandiyang pagbabantaan ang buhay, hihiyain sa social media kaya nga may ilan tayong kababayan na napabalita na nagpatiwakal dahil sa hindi na kinaya ang pressure mula sa mga scammer na ito. 


Hindi naman masama ang lending business ngunit dapat ay may pisikal silang tanggapan upang may mahahabol din ang mga umutang sa kanila sakaling makaranas ng mga pagbabanta. 


Kaya malaking bagay na paunti-unti ay may nasasakote ang PNP-ACG para kahit paano ay kabahan ang mga scammer na ito dahil alam nilang hindi sila tatantanan ng batas para sila mahuli. 


Nandiyan na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) na aktibo sa pagtugis sa mga hacker. 


Talamak ang mga naloloko online gamit ang account ng ibang tao — kumbaga doble ang biktima rito, ‘yung niloko at ‘yung ginamit ang account ng iba sa pang-i-scam. 


Wala tayong kalaban-laban sa modus na ito, kaya mag-ingat at agad ipagbigay-alam sa PNP-ACG at NBI kung may ganitong pangyayari. 


At kung mawawalan na tayo ng gana para magreklamo dahil sa mabagal na sistema ay parang tinutulungan pa natin ang mga scammer na ipagpatuloy nila ang kanilang masamang gawain. 


Kaya sama-sama tayong magmatyag. Pagtulungan natin, kaagapay ang mga otoridad, na panagutin ang mga scammer at hacker. 


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page