top of page
Search
BULGAR

Talaga bang walang krimen at walang nagawang masama si Duterte

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 19, 2023



Kampihan, takipan, kuntyabahan, siraan, intrigahan, tsikahan, hatian, porsyentohan, palakasan, gapangan, palit-ulo, kaliwaan, lagayan, laglagan, silipan, unahan, gulangan, bastusan, brasuhan…mga karaniwang pangyayari sa mga kanto at lansangan, at maging sa Kongreso at Senado, hindi na ito bago. Anuman ang tino ng mambabatas ay masisingitan o mauunahan ito kung siya ay tutulog-tulog at hindi marunong dumiskarte.


Isang hibang na kagubatan ang Senado animoy mga hayop na pumapatay at tumatambang sa mahihinang mga hayop. Ang tawag dito ng mga antropologo ay “Survival of the Fittest,” kumbaga, matira matibay sa Pilipino.


At ito ang abang kalagayan ng ating mga sangay ng pamahalaan ng Ehekutibo; Lehislatibo at Hudisyal. Matagal nang hindi nakikitaan ng disente, mahusay at maaasahang paglilingkod ang tatlong sangay ng pamahalaan. Sa halip, madalas-dalas pang sumingaw ang mga iskandalo at korupsyon na kinasasangkutan ng mga kagalang-galang na mambabatas. Bakit nagkaganito ang ating pamahalaan? Bakit nagkaganito ang marami sa ating mga pulitiko? Sa ebanghelyo sa araw na ito, ipinaliwanag ni Kristo sa kanyang mga alagad ang ibig sabihin ng paglilingkod at pagsunod sa Kanya.


“Una, kung nais mong sumunod sa Akin, itakwin mo ang iyong sarili at kunin ang iyong krus para sumunod ka sa akin.


Pangalawa, ang naghahangad na maliligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito.


Pangatlo, ano ang pakinabang ng tao makamit man niya ang buong mundo kung sarili naman niya ang mawawala?” (Marcos 8:34-9:1)


At ito ang tatlong hinihingi ni Kristo sa bawat alagad Niya.


“Una, ang pagkalimot sa sarili at ang pagbuhat ng sarili niyang krus.


Pangalawa, ang pagalay ng sarili para sa pamamahayag ng mabuting balita.


Pangatlo, ang pagkilala sa kaharian ng Diyos na ibang-iba sa kaharian ng tao sa mundo.”


Mayroon pa bang mambabatas sa Kongreso hanggang sa Senado na marunong sa tunay na paglilingkod? Kamakailan, mayroong gumawa ng panukala sa Kongreso na nagbibigay ng karagdagang pondo ang mga retiradong president. Maaaring gamitin ang pondo upang dagdagan ang bilang ng mga personal bodyguards kahit mayroon nang mga bodyguards ang mga dating presidente. Gayundin, mayroon na silang kung anu-anong mga pribilehiyo at hindi sila mahihirap.


Sa totoo lang, hindi maitatago sa mga tao ang kanilang kayamanan. Sana, agad nang tumanggi ang mga retiradong presidente at sabihing gamitin na lang ito ng higit na nangangailangan.


Noong nakaraang araw, naghain ng bagong panukalang-batas ang dating presidente na ngayon ay kongresistang Gloria Macapagal Arroyo. Inihain ni Arroyo kasama ang 18 kongresista ang House Bill 780. Sa panukalang-batas na ito, kinilala ng mga kongresista ang kahusayan ng nagdaang administrasyon.


Sabi nila, “Former President Rodrigo Roa Duterte’a presidency has ushered remarkable accomplishments brought about by his relentless campaign against illegal drugs, insurgency, separatism and terrorism, corruption in government and criminality, thus, making the life of every Filipino better, comfortable and peaceful.”


Dahil dito, kailangang protektahan ang dating pangulo laban sa isasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC dahil sa crime against humanity o krimen laban sa sangkatauhan.


Hindi nakakagulat ang ginawa ng dating pangulo at kanyang mga kasamang kongresista.


Kailangang sila-sila ay magprotektahan, magkampihan at magtakipan. Napakaraming dapat nilang pag-aksayahan ng panahon higit pa sa pagsalag ng unti-unting nabubuong kaso ni dating Pangulong Duterte na binubuo ng ICC.


Samantalang, ang mga karaniwang mamamayan ay walang tunay na ayuda at proteksyon. At hindi ba, nasanay na rin ang mga kapatid nating mahihirap na hindi umasa? Hindi natin sila masisisi dahil sinanay sila ng mga pulitiko na tumanggap ng sari-saring ayuda sa anumang panahong mangailangan sa kanila.


Noong isang araw, nagsalita ang kalihim ng Department of Justice (DOJ). Sinabi nito, “They (ICC) are insulting us. We are improving our courts. We are building our capacity. We as a country we are doing what it takes to fix the system. Unless they want to take care of our Justice system and take over our country.”


Iniinsulto tayo ng ICC na gawin ang dapat at kayang gawin ng ating bansa. Napakatindi ng pananalita ng kalihim ng DOJ sa kanyang paggamit ng iniinsulto, ngunit ano ang pakiramdam ng mga pamilya ng libu-libong pinatay o namatay sa mga anti-drug police operations.


Nainsulto ba sila sa pananalita ng Kalihim ng DOJ? Ano ang pakiramdam ng mga namatayan sa madugong war on drugs? Mararamdaman ba nila ang pagmamahal at pagmamalasakit ng pamahalaan para sa kanila?


Nagmamahalan ba sila sa Kongreso at Senado? Higit sa lahat, mahal ba talaga nila ang mamamayan at ang mga pamilyang binawian ng mga maaasahang miyembro ng pamilya. Kung mahal nila ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs, tulungan nila at itigil na ang anumang salitang nakasasama ng loob.


Oo, nagmamahalan silang mga mambabatas, hindi ba, higit na kailangan nilang mahalin ang mga mamamayan?


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page