top of page

Taktika ng gobyerno na magpakalat ng “PR”, malaking kabulastugan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 22, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Damang-dama ang epekto ng POGO.

Kaliwa’t kanan ang krimen na dawit ang POGO operations partikular sa serye ng mga kidnapping.


----$$$--


PERO, ayon naman sa mga taxi driver at ilang negosyante — matumal ang pasok ng cash dahil nawala ang mga galanteng pasahero na nagtatrabaho sa POGO.

Partikular dito ang mga taxi driver na umiikut-ikot sa Pasay, Parañaque, Las Piñas, Makati at ilang siyudad sa Metro Manila.


-----$$$--


IBIG sabihin, may katotohanan na ang krimen na kakambal ng POGO operations.

Pero, hindi rin maikakaila na may negatibong epekto ito sa ekonomiya.


----$$$--


NAPAKARAMING condominiums, malalaking gusali at mga rental units ang bakante sa maraming lugar na malapit sa POGO operations.

Maraming negosyo ang tumumal.


----$$$---


NAPAKAHIRAP maging lider, hindi natin malaman kung titimbangin ang negatibo at positibong dala ng POGO.

Sa ngayon, mas nakikita ang negatibong epekto ng POGO — at dapat nating igalang ang desisyon ng mga otoridad.


----$$$--

SA kabilang panig, hindi lamang desisyon sa pagsasarado ang dapat ipatupad, bagkus ang implementasyon ng mga programang makakatulong sa mga nakakaranas ng negatibong epekto ng desisyon.


Kung bilyun-bilyong piso ang nawala sa merkado, ibig sabihin, bilyung-bilyong piso ang malulugi sa ilang negosyo — malalaki man o maliliit.


-----$$$--

ITIM ang ginagamit na kulay ni Sen. Imee upang makumbinse ang mga nakakaranas ng negatibong buhay na pumabor sa kanyang kandidatura.


Hindi lang kasi kawalan ng trabaho ang laganap, bagkus ay kriminalidad bunga ng pagdarahop — laganap na pagbabalik ng mga adik at pusher.


----$$$--


WALANG kongkretong programa kundi man, kapos sa publisidad ang gobyerno at pulisya kaugnay ng pagkontra sa kriminalidad.

May listahan ba ang PNP ng mga pusher at adik na nagbalik sa kalye?


---$$$--


Ilan ang naaaresto araw-araw?

Ilan ang ipinapasok na adik sa rehabilitasyon araw-araw?

Bakit walang ganyang datos na inilalabas ang PNP?


----$$$--


KUNG tama ang PNP na mag-update ng kanilang aktibidad sa publiko — bakit walang regular update ang Malacañang laban sa krimen at drug addiction?

Consistent at constant dapat ang labas ng updates sa social media at mainstream media.


----$$$--


Sistema at iskema ang kailangan ng Malacañang at PNP upang matabunan o madaig ang black propaganda ng mga kalaban ng gobyerno.

Dapat ay praktisado at beteranong media practitioner na may “wisdom” ang kailangan ng Malacañang at makatuwang ng PNP sa “media war”.

Hindi puwedeng press-release laban sa “fake news”.


----$$$--


GASGAS na ang ganyang katwiran kontra sa fake news.

Ang paglaban sa pagbaha ng fake news ay “real news” at hindi propaganda -- mga balita --bistadong press release.

----$$$--

BAGO matalo ang fake news, dapat ay maunawaan muna ang pagkakaiba ng “press release” at “real news”.

Nagkakaiba ito sa “structure” kung paano nailatag o nai-compose ang teksto.


----$$$--


ANG taktika ng gobyerno ay magpakalat ng “press release” na isinulat sa porma ng propaganda.

Napakalaking kabulastugan.


----$$$--


SAYANG ang pondo ng gobyerno sa press release.

Sa totoo lang, walang kredibilidad at hindi pinaniniwalaan ang press release.


----$$$--


KAPAG nailabas sa mainstream media ang press release, mapagkakamalang “bayad ang writer, editor at publisher” — kahit hindi totoo at tumutulong lang ang mga ito sa mga “kaibigan” kuno.


Kasabay nito, kapag inilabas sa social media ang “PR” mula sa gobyerno, mapagkakamalang “trolls” ang mga nag-post, nag-like, nag-comment at nag-share.


-----$$$--


DISPALINGHADONG porma ng teksto at konteksto ng “good news” ang ugat ng problema.

Batikang editor ang may kakayahang mag-compose o mag-convert mula sa PR release tungo sa “hard news” bago pakawalan sa mainstream media at socmed.

 

----$$$--


HINDI kuwalipikado at kapos sa karanasan sa paggawa ng “matinong balita” ang mga naitatalaga sa gobyerno.

Ang resulta, nadadaig sila ng pinaniniwalaan nilang “fake news”.


 ----$$$-


LUMANG tugtugin ang fake news — mula pa ‘yan sa panahon ng Ninos Inocentes.

Hindi lang ang Pilipinas ang may ganyang problema, maging ang buong mundo — partikular sa panahon ni Hitler.


----$$$--


ILAN ba ang naitalaga sa Malacañang na may “wisdom” upang makatuwang ni PBBM?

Ang sagot diyan — ay sagot din kung paano lalabanan ang “fake news” — na pinagdidiskitahan nila.



 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page