ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 6, 2022
Dear Sister Isabel,
Matagal ko nang gustong humingi ng payo sa iyo, pero nahihiya akong malaman n’yo ang aking sikreto. Ngunit dahil kailangan ko ang payo n’yo, naglakas-loob akong sumangguni sa inyo.
Tungkol ito sa anak ko na nasa piling ng kanyang ama. Nabuntis ako ng kasamahan ko sa trabaho noon sa Dubai. Nagkaibigan kami hanggang sa nagbunga ito ng anak na lalaki. Tuwang-tuwa siya dahil puro babae ang anak niya sa kanyang legal wife at pangatlo ‘yung anak namin.
Parehas kaming umuwi sa Pilipinas nang walang kamalay-malay ang mga pamilya namin at nagtago kami sa Mindanao kung saan ako nanganak.
After one year, kinailangan kong ipaubaya sa kanya ang bata dahil kailangan ko na ring umuwi sa sarili kong pamilya. Ginagalang ang angkan namin sa aming lugar, kaya hindi ko masabi sa mga magulang ko ang nangyari sa akin. Nag-aalala ako dahil baka itakwil o saktan at palayasin ako ng tatay ko. Parehong strict ang parents ko, kaya hindi ko alam kung paano ipagtatapat sa kanila ang aking lihim.
Ang isa ko pang problema ay nasa ama ang bata kasama ang tunay niyang pamilya at tinanggap naman ito. Noong una ay dinadalaw ko siya nang palihim, pero itinago na siya sa akin at hindi ko na alam kung saan siya hahanapin.
Ano ang dapat kong gawin, Sister Isabel? Sobrang kalungkutan na ang dinaranas ko at hirap na hirap na ako. Umaasa ako na mabibigyan n’yo ako ng magandang payo.
Nagpapasalamat,
Marilyn ng Tanay, Rizal
Sa iyo, Marilyn,
‘Ika nga, walang lihim na hindi nabubunyag. Makabubuting ipagtapat mo na sa mga magulang mo ang nangyari sa iyo. Sabihin mo muna ito sa iyong ina at siya na ang magsasabi sa iyong ama. Itaon mo na nasa maganda siyang mood. Walang magulang na nakakatiis sa kanyang anak, kaya huwag kang mag-alala dahil natitiyak kong uunawain ka ng iyong ina. Sa umpisa, asahan mong mabibigla siya, pero kalaunan ay iiral pa rin ang kanyang pagiging ina at mailalagay din sa ayos ang lahat.
Tungkol naman sa anak mong nawalay, ipinaubaya mo na sa siya sa kanyang ama at inilayo na sa iyo. Hayaan mo muna, tiyak namang hindi siya pababayaan ng ama niya. Bagkus, palalakihin siya nang maayos at itataguyod ang pag-aaral niya hanggang makatapos siya ng kolehiyo.
Ipagdasal mo na lang na balang-araw ay magkita at magkaayos kayo, gayundin, maunawaan niya na ang buhay ay hindi natin kontrolado. Biktima lang kayo ng mapagbirong tadhana, pero sa tulong ng Diyos at sa takdang panahon, magkikita rin kayo ng anak mo nang wala siyang sama ng loob sa iyo. Ipagdasal mo ‘yan at Diyos na ang bahalang kumilos sa problema mo. Siya ang may likha sa ating lahat at Siya rin ang nakakaalam ng mga susunod na magaganap.
Everything will be fine in accordance with God’s master plan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comentários