ni Julie Bonifacio @Winner | July 5, 2023
Isang emosyonal na Vice Ganda ang natunghayan ng mga manonood sa Everybody, Sing! matapos niyang balikan ang sariling engagement kay Ion Perez sa nasabing game show noong nakaraang Sabado (Hulyo 1).
Matapos makipag-usap sa isang pares mula sa Songbayanan na binubuo ng mga engaged couples, naalala ng Unkabogable Superstar kung gaano siya natakot noong niyaya siya ni Ion na magpakasal.
Sinabi ni Vice na nanginig daw talaga siya nang mag-propose sa kanya si Ion, “Kaya ‘yung moment na nag-propose sa akin si Ion, ‘yung lumuhod siya, tapos ay nagbigay siya sa akin ng ring, nanginig talaga ako.
“Naiinggit ako kasi hindi ganoon ‘yung naramdaman ko nu’ng nag-propose sa ‘kin si Ion.
Naiinis ako kasi hinayaan kong talunin ng takot ‘yung dapat kong naramdaman,” pagkukuwento pa ng comedian-TV host.
“Sobrang dami ng sinasabi sa amin ni Ion, nanakawan ako ng joy, parang sa inyo, ‘di ba? Ang sarap ng normal, kasi ang normal niyan sa paningin ng marami, ‘di ba? ‘Yung babae at saka lalaki, pero ‘yung sa amin, hindi normal 'yung tingin sa amin,” dagdag pa niya, habang inaalala ang pagkakaiba ng pagtanggap ng mga tao sa relasyon ng mga straight men and women at mga LGBTQIA+ couples.
Ibinahagi rin ni Vice na pinakiusapan niya ang mga kaibigan na burahin ang mga videos ng engagement dahil sa backlash na makukuha nila, lalo na si Ion.
“Sa inyo, ‘di ba, ang sarap, meron kayong mga remembrance, meron kayong pictures, tsaka mga videos. Ako, ang una kong nasabi sa mga kasama namin, ‘Burahin n’yo ‘yung mga videos,’ kasi ayoko siyang kumalat kasi takot na takot ako.
“Kapag kumalat lang ‘yan, iba-bash lang nila si Ion, iba-bash na naman nila ako, hindi nila io-honor ‘yung love. Parang nakakainggit kasi ang ganda ng nangyari sa inyo,” pahayag pa ni Vice.
Pagpapatuloy ng comedian-TV host, “Ang ganda rin sana ng nangyari sa amin, kaya lang ang duwag-duwag ko."
Pero, kahit na pinakiusapan niya ang mga kaibigan na burahin ang mga kuha nilang videos mula sa naganap na engagement sa pagitan nina Vice at Ion, natuwa ang comedian-TV host nang malamang ‘di binura ng isa niyang friend ang video nilang dalawa.
“Kaya, buti na lang may kaisa-isang video na natira. ‘Yung isang friend ko, hindi niya pala binura.
Nu’ng nagpakasal na kami ni Ion sa (Las) Vegas, isinend niya sa akin pero ayoko pa ring ilabas.
“Kasi sabi ko, ‘Ito 'yung pinakamagandang nangyari sa buhay ko, ise-share ko ‘yun sa mundo tapos babastusin nila, kaya akin na lang ‘yun. At least, may natitira sa aking magandang memorya.’”
Gayunpaman, sinabi niya na nalampasan niya na ang kanyang mga takot at ngayon ay mas bukas na siya tungkol sa kanilang relasyon.
“'Yung fear ko nu'n, wala na at 'yung care ko nu'n sa ibang tao, wala na. Kasi all my care now, lahat ng care ko, na kay Ion na lang at sa nararamdaman namin,” sabi niya.
Samantala, nabigo ang Songbayanan na masungkit ang P2 M na jackpot prize, ngunit naiuwi pa rin nila ang P290,000 bilang kanilang napanalunan.
Abangan ang Everybody, Sing! tuwing weekend sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TV5, iWantTFC, at TFC IPTV.
Para sa pinakabago sa Everybody, Sing!, sundan ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram.
Para sa iba pang balita, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.
Comments