ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 10, 2021
KATANUNGAN
1. Madalas kaming mag-away ng aking asawa, gayung wala pang isang taon kaming naikakasal at sa katunayan, wala pa kaming baby.
2. Ang ikinatatakot ko, kapag palagi kaming ganito, kumbaga sa maliit na bagay lang ay nagtatalo kami, baka sa bandang huli ay magkahiwalay kami?
3. Naisipan kong ipabasa sa inyo, Maestro, ang guhit ng aking palad, para mapayapa na ang magulong isipan ko na maraming tanong kung bakit ba ganito kaming mag-asawa na parang aso’t pusa?
KASAGUTAN
1. Alam mo, ang mga bagong kasal na mag-asawa ay sadyang dumaraan sa tinatawag na ‘adjustment period’ ng kanilang relasyon. Ibig sabihin, dahil hindi naman kayo magkapatid o magkaanak, bagkus ay magkaiba talaga kayo ng background ng pamilya na pinagmulan at siyempre, magkaiba rin kayo ng orientation sa buhay, sadya at sa umpisa talaga ng samahan, maraming bagay kayong hindi magkakaunawaan. Pero sa totoo lang, bahagi ‘yun ng maturity ng inyong relationship, upang pagkatapos ng adjustment period, makabisado n’yo na ang ugali ng isa’t isa.
2. Sa panahong tanggap n’yo na ang weaknesses at negative traits ng bawat isa o sabihin nating ganap na natapos ang adjustment period, madali na kayong magkakasundo at magiging maligaya.
3. Wala ka namang dapat ikabahala na maghihiwalay kayong mag-asawa, sapagkat iisa lang naman ang malinaw, hindi magulo at hindi rin nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit ngayon ay tila aso’t pusa ang inyong relasyon, sigurado ang magaganap, makaka-gradweyt din kayo sa adjustment period sa buhay ng mag-asawa, hanggang sa bandang huli ay tuluyan na kayong magkasundo, magkaunawaan at panghabambuhay na magmamahalan at magiging maligaya.
MGA DAPAT GAWIN
1. Ang akala ng mga bagong kasal, kapag nag-away sila ay katapusan na ng kanilang relasyon pero maling-mali ang ganu’ng pananaw. Sa halip, kapag nag-away ang mag-asawa, dapat pa nga kayong magpasalamat dahil ‘yun ang simula ng “adjustment” ninyong dalawa na hahantong sa maturity ng relationship. At kapag narating na ang maturity ng isang relasyon, may pangako na ng maligaya at panghabambuhay na pagsasama.
2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Abigail, tiyak ang magaganap. Kahit madalas kayong mag-away ng iyong asawa, hindi naman magiging dahilan ‘yun upang kayo ay tuluyang maghiwalay. Sa halip, magiging daan pa ‘yun upang lalong maging matatag, maging sweet ang inyong pag-iibigan, at sa bandang huli, hahantong din ang inyong relasyon sa isang masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.
תגובות