top of page
Search
BULGAR

Takot mag-abroad ulit dahil sa trauma, susuwertehin ‘pag nangibang-bansa ulit

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 2, 2021





KATANUNGAN

1. Matagal ko nang pangarap na mag-abroad at pinalad naman akong nakaalis noong 2017. Ang problema, minaltrato ako ng naging employer ko sa Middle East, kaya na-trauma ako kaya hindi ko na ulit hinahangad na makapag-abroad.


2. Pero ngayon, naghihirap na naman ang pamilya namin, kaya nais ko muling mangibang-bansa dahil ito lang ang alam kong paraan para makaahon kami sa kahirapan.


3. Maestro, gusto kong malaman kung may ikalawa bang pangingibang-bansa na nakikita sa aking palad at kung susubok muli ako, papalarin na ba ako sa pagkakataong ito?


KASAGUTAN


1. Dalawa ang namataan o nakikitang malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa ayaw o sa gusto mo, na-trauma ka man, nadala o nabigo sa unang pag-a-abroad, siguradong may ikalawa pang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran, na inaasahan namang higit na magiging mabunga kaysa sa na unang pag-a-abroad.


2. Gayunman, upang matiyak na papalarin ka na sa ikalawang pag-a-abroad, iminumungkahing baguhin mo ang dulong bahagi ng iyong lagda, na sa halip na pasubsob o pababa, medyo iangat mo o straight line na lang ang ending nito. Sa ganyang pagbabago ng iyong lagda, walang duda na papalarin ka na sa pangalawang pangingibang-bansa.


MGA DAPAT GAWIN


1. May mga taong mahilig magdahilan at sinasabing, “Maestro, mahirap nang baguhin ang aking lagda dahil ito na ang mga naging pirma ko sa mga papeles.” Dahil sa alibi na ito o sabihin na nating hindi talaga determinadong baguhin ang kapalaran, matigas ang ulo at ayaw nang baguhin ang pirma, kaya ang kadalasang nangyayari ay hindi nagbabago ang pangit na kapalaran.


2. Sa totoo lang, kung talagang desididong baguhin ng isang tao ang kanyang kapalaran, walang makakapigil kung babaguhin niya rin ang kanyang lagda, gaanuman kahirap ang prosesong ito. Isipin pang wala namang batas na umiiral sa ating bansa na nagbabawal magbago ng lagda, kaya malaya ang bawat isa na baguhin ang kanyang pirma sa katwirang “Akin ang lagdang ito at ako ang may kapangyarihan na baguhin ito, alinsunod sa gusto kong mangyari sa aking kapalaran.”


3. Sabi nga ng kaibigan at kumpare kong palabiro na si Tate nang minsang hulaan ko siya tungkol sa kanyang lagda, “Hayaan mo, Maestro, susunod ako sa suggestion mo. Bukas na bukas, iaabiso at tatawagan ko ang labin-limang bangko ko na magbabago ako ng lagda.”


4. Habang, ayon sa iyong mga datos, Sandra, tulad ng naipaliwanag na, may ikalawa at higit na mabungang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran sa susunod na taong 2022. Matitiyak na ang nasabing mabunga at mabiyayang ikalawang pag-a-abroad, kung ngayon pa lang ay sasanayin mo na ang pagbabago ng iyong lagda tungo sa pagbabago ng kapalaran, na magdudulot sa iyo ng mas maunlad, matagumpay at masaganang karanasan habambuhay.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page