ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 23, 2023
KATANUNGAN
Gusto kong malaman na kung mag-a-apply ako sa abroad, matutuloy ba ako at magiging maganda ba ang kalagayan ko ru’n? Pinipilit kasi ako ni misis na mag-Dubai dahil nandu’n ang kuya niya at matagal na sa kumpanya, gayundin, may pangako sa akin na ‘pag nag-apply ako, tutulungan niya akong makapagtrabaho ru’n.
Sa ngayon, mayaman na ang bayaw ko na ‘yun, nakapagpagawa na sila ng bahay at nakabili na ng sasakyan, kaya inggit na inggit ang misis ko. Sabagay, noon pa ako niyayaya ng bayaw ko na sumama sa kanya at ipapasok niya ako bilang driver sa company nila. Kaya lang, natatakot akong iwanan ang aking pamilya dahil baka pagbalik ko ay wala na akong abutan, lalo ngayong uso ang mga babaeng nakikipagrelasyon sa nakikilala lang nila sa social media.
Maestro, hindi ba masisira ang aming pamilya kapag nasa ibang bansa na ako? Sakaling nasa abroad na ako, magiging masagana at maganda rin ba ang magiging takbo ng buhay namin at mabibigyan ko rin ng masaganang buhay ang aking pamilya?
KASAGUTAN
Kung wala kang tiwala sa iyong sarili at sa misis mo dahil puro negatibong bagay ang iniisip mo ngayon, posibleng wala ring mangyari sa buhay n’yo. Kaya sa praktikal na advice, kung sadyang malaki ang offer na suweldo ng bayaw mo, ang pinakamaganda mong magagawa ay sunggaban ito agad.
Kapansin-pansin na may malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kaya sa bandang huli, kahit natatakot ka sa iyong pagdedesisyon, ang Guhit ng Paglalakbay ang mananaig at matutupad— makapag-a-abroad ka. At tulad ng iyong bayaw, mas madali kang aasenso at uunlad ang iyong kabuhayan sa pangingibang-bansa, kaysa nagtitiyaga pamamasukan sa ating bansa.
Ang pag-aanalisang susuwertehin ka sa abroad ay madali namang kinumpirma ng lagda mong may korteng dollar sign ($) sa unahan, bagama’t hindi sinasadyang nabuo ito sa iyong pirma. Ito ay malinaw na tanda na ngayon pa lang ay nasasagap na ng unconscious mong isipan ang magandang magaganap sa ibayong-dagat, kung saan kikita ka ng malaking halaga na sapat upang tuluyan na kayong makakaahon sa kahirapan hanggang sa umunlad ang iyong kabuhayan.
MGA DAPAT GAWIN
Tiwala at hustong pagmamahal ang dapat mong ipunla sa iyong isipan at puso ngayon, Alfred, upang mawala ang takot at pangamba na baka sa iyong pag-alis ay manlalaki o mangaliwa si misis.
Habang, ayon sa iyong mga datos, kung mag-a-apply ka at tatanggapin mo ang alok ng iyong bayaw na magtrabaho sa kanilang kumpanya, tiyak sa huling hati ng taon at sa buwan ng Oktubre, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran. Sa nasabing pag-a-abroad, ito na rin ang magiging simula upang ang kabuhayan ng inyong pamilya ay tuluy-tuloy na ring umunlad.
Kommentare