top of page
Search
BULGAR

Takbo para sa kapayapaan at soberanya, tara na!

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 11, 2024



Fr. Robert Reyes


Matagal-tagal na nang magsagawa tayo ng mga makabuluhang pagkilos kasama ng pamahalaang lokal. 


Kung matatandaan, bandang taong 2014 pa sa siyudad ng Santiago, Isabela nang magkasamang tumakbo ang ilang mga parokyano ng Parokya ng San Francisco ng Assisi kasama ang mga kapulisan at ilang empleyado. 


Hindi na natin maalala kung para saan ang takbo, ang tanda lang natin ay ang masiglang pagkakaisa at pakikipagtulungan ng dalawang institusyon, simbahan at siyudad para sa kapakanan ng mga mamamayan.


Salamat sa kabukasan ng kapitan ng barangay ng Barangay Toro Hills sa Project 8, Quezon City, nagsimula na ang ilang masaya at makabuluhang pakikipagtulungan ng simbahan at barangay sa naturang lugar..


Unang Lunes ng Marso ng taong ito, natuloy ang pinag-usapang regular na pagdiriwang ng banal na misa sa covered courts ng Barangay Bahay Toro. Puno ang covered courts at kumpleto ang mga opisyales, ang kapitan ng barangay at ang mga kagawad.


Magkasamang nakinig at nagnilay sa salita ng Diyos. 


Nagbigay tayo ng omeliya na maaaring pagkunan ng makatutulong na prinsipyo at pag-unawa na magagamit sa dalawang bagay. Una ang mahusay at malinis na pamamahala ng pamahalaang lokal ng barangay. Pangalawa, ang pagpapalalim ng ugnayan ng barangay at simbahan, at ang epektibo at kongkretong pagtutulungan ng dalawa. Ang pananaw nito ang bumuno ng naturang “Simbarangayan.”


Noong nakaraang Mayo 6, 2024 ay ang unang Lunes ng kasalukuyang buwan. Nagmisa tayo muli para sa mga opisyales ng barangay at sa lahat ng kawani at mga kaibigan nito.


Ang ebanghelyo noong araw na iyon ay tungkol sa pagpapadala ni Kristo ng Kanyang Espiritu ng Katotohanan. 


Itinanong natin sa lahat ng naroroon kung gaano nila pinagpapahalagahan ang Espiritu ng Diyos? Iminungkahi natin ang apat na mahalagang hakbang sa pagkilala at pagtanggap sa Espiritu ng Diyos.


Ito ang apat na hakbang: ang paglilinis ng sarili; ang paghahanda; ang pagkilala at pagsuko sa Espiritu ng Diyos, at ang pagsunod o pagsasagawa ng utos o kalooban ng Diyos.


Una, napakahirap maglingkod ng maayos kung marumi ang ating kalooban. Maaaring merong kasalanang kailangang ihingi ng tawad at tuluyan nang itatwa.


Pangalawa, kailangang ilagay ang sarili sa isang bukas at tahimik na disposisyon para mapakinggan at makilala ang tunay na Espiritu ng Diyos. Kung hindi maganda ang disposisyon ng isip, puso at kaluluwa, hindi magiging maganda ang pagkilala at pagsunod sa Espiritu ng Diyos. Kailangang-kailangang tunay na handa ang nais tumanggap sa Banal na Espiritu.


Pangatlo, madalas magtalo at magtunggalian ang espiritu ng tao at ang Espiritu ng Diyos. At siyempre meron pang pangatlong espiritu. Kailangang kilalanin ang tunay at Banal na Espiritu ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak. At kapag natitiyak mo nang Espiritu ng Ama at ng Kanyang Anak ang iyong hinaharap, handa kang gawin ang pang-apat na hakbang.


Pang-apat, ang pagsunod at pagsasabuhay ng turo at halimbawa ni Kristo. Dito pa lamang ang pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Ganu’n kahalaga ang tamang pagpili at pagpapasya: ang paglilinis ng sarili; ang paghahanda; ang pagkilala sa Espiritu ng Diyos; at ang pagtupad at pagsasagawa ng utos at halimbawa ng Diyos at ng Kanyang anak.


Hindi para sa mga taong simbahan lang ang mga hakbang na ito kundi para sa lahat. At kung ang lahat mula simbahan hanggang barangay ay magsisikap na makilala at sumunod sa kalooban ng Diyos, ano ang mangyayari sa ugnayan ng lahat sa lipunan.


Ito ang magandang ibinubunga ng pakikiisa ng simbahan at barangay, ang Simbarangayan!


Sa gitna ng lumalalang panggigipit ng China sa mga maliliit na barko at mga bangkang Pinoy, nag-usap at nagkaisa ang simbahan at barangay sa aming barangay, nagkasundo at magsasagawa ng “BandeRun” o Takbo para sa Kapayapaan at Soberanya.


Kaygandang tingnan ang dalawang kadalasa’y walang kaugnayan ay nagkakaisa sa pagtakbo at pagpapalaganap ng mga bandila ng Pilipinas upang mahalin nang ganap ang ating Inang Bayan.


Oo nga’t kay laki, nakakatakot at nakakalulang kalaban ang China, ngunit kung nagkakaisa, tulad ng pagkakaisa ng simbahan at barangay sa Bgy. Bahay Toro, Quezon City, may kapayapaan at lakas nang humarap sa anumang problema o hamon.

BandeRun, tara na, takbo na’t magkaisang itanghal ang bandila, mahalin at ipagtanggol ang bansang Pilipinas. Amen!

0 comments

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page