ni Chit Luna @Brand Zone | February 8, 2023
Isang viral social media post ng isang sikat na Taiwanese actress tungkol sa paghuli sa kanya ng mga pulis sa Thailand dahil sa pagdadala ng vape ang ikinagalit ng mga netizens at consumer groups at nanawagan sa tama at patas na regulasyon sa mga alternatibong produkto sa paninigarilyo.
Sa kanyang social media post, inilahad ni Charlene An ang traumatic experience niya at ng kanyang mga kaibigan sa Bangkok matapos silang sitahin, hulihin at pagbayarin ng umano’y labis na multa ng mga pulis dahil sa natagpuang vape product sa kanila.
Si An at ang kanyang mga kaibigan ay pinagbayad ng 27,000 baht o katumbas ng 1,080 Singaporean dollars dahil sa nakuha sa kanilang vape product. Pinagbantaan pa umano sila ng Thai police na sasampahan ng criminal case.
Nagdulot ng kontrobersiya ang post ni An sa Taiwan at Thailand. Ang police commissioner ng Thailand ay naglabas ng public apology dahil sa pangyayari, at sinabing iimbestigahan ang pitong miyembro ng Thai police sa kasong extortion.
Nanawagan naman ang consumer groups na pagtuunan ng pansin ng mga bansa sa Asia ang tama, makatarungan at maka-siyentipikong regulasyon ng smoke-free products tulad ng vapes at heated tobacco products na napatunayan nang lubhang maliit ang idinudulot na pinsala, kumpara sa paninigarilyo.
Una nang sinabi ng mga banyagang dalubhasa na ang usok dulot ng pagkasunog ng tabako, at hindi nicotine, ang sinasabing tunay na dahilan ng pagkakasakit o pagkamatay ng mga naninigarilyo.
Samantala, ang vapes at heated tobacco products ay gumagamit lamang ng tamang init na hindi nauuwi sa pagkasunog ng tabako.
Hindi katulad sa ibang bansa, ipinagbabawal ng Thailand ang paggamit ng vape, kahit na marami sa milyun-milyong turista nito ay dating naninigarilyo na nag-switch sa vaping. Kahit na ilegal ang e-cigarettes o vape sa Thailand, makikita pa rin sa online shopping platforms ang mga produktong ito, na walang pamantayan sa kalidad dahil sa kawalan ng regulasyon.
Dahil dito, nanawagan ang Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP) sa mga bansa na muling ikonsidera ang pagpapatupad ng tamang regulasyon sa mga alternatibong produkto upang mabawasan ang pinsala dulot ng paninigarilyo.
Nagpahayag ng pag-asa si Anton Israel, tagapagsalita ng grupong NCUP, na tatanggapin ng mga bansa sa Timog Silangang Asya, tulad ng Thailand, ang konsepto ng tobacco harm reduction (THR) upang bigyan ng pagkakataon ang milyun-milyong smokers sa rehiyon na lumipat sa mga alternatibong produkto at maiwasan ang sakit sa baga, cancer at pagkamatay dulot ng paninigarilyo.
Ayon din kay Israel, ang vape at heated tobacco products ay bahagi ng THR na naglalayong bawasan ang pinsalang dulot ng abo at apoy ng sigarilyo.
Sinabi pa niya na maraming mauunlad na bansa, tulad ng United Kingdom at Japan, ang kumikilala na sa mga produktong ito na mas mainam kaysa sigarilyo.
Dagdag pa ni Israel, nagtala ng mas mababang smoking prevalence ang UK at Japan matapos ipakilala sa kanilang merkado ang vapes at heated tobacco products.
Dahil sa pagpasok ng heated tobacco products noong 2014, nakaranas ang Japan ng malaking pagbaba sa smoking prevalence mula 20 percent noong 2014 hanggang 13% noong 2019, ayon sa Japanese National Health and Nutrition Survey.
Ang NCUP ay isang nonprofit advocacy organization na nagsusulong na maproteksyunan ang karapatan ng mga smokers at vapers laban sa mga substandard, unregulated at hindi rehistradong produkto.
Samantala, sinabi ng Consumer Choice Center na kumakatawan sa mga consumers mula sa mahigit 100 bansa na nagkaroon ng mataas na pagbaba sa porsyento ng mga naninigarilyo sa buong mundo mula 14% noong 2020 hanggang 13.3% ng taong 2021.
Ito ay base sa report ng United Kingdom’s Office for National Statistics.
Umaasa ang mga consumer groups na magbabago ang pananaw ng gobyerno ng Thailand tungkol sa mga alternatibong produkto.
Ang grupo ng ENDS Cigarette Smoke Thailand o ECST ay nagsabing ilang opisyal ng bansa, tulad ni Digital Economy and Society Minister Chaiwut Thanakamanusorn, ang sumusuporta na sa legalisasyon ng vaping para bigyan ang mga smokers ng mas mabisang paraan sa paghinto ng paninigarilyo.
Ayon sa ECST, may 50,000 Thai smokers ang namamatay taun-taon dahil sa kawalan ng mga alternatibong produkto na makatutulong sa kanila. Sa ulat ng National Statistical Bureau, mahigit 10 milyong tao sa Thailand ang naninigarilyo pa rin noong taong 2021.
Comments