ni Lolet Abania | October 28, 2020
Nagpalabas ng babala sa publiko ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ngayong Miyerkules na iwasan ang pagkuha ng mga shellfish tulad ng tahong, talaba at iba pang kauri nito sa mga lugar na nakitaan ng pagkakaroon ng paralytic shellfish poison na sadyang mapanganib sa taong kakain nito.
Isang uri ng malubhang sakit ang paralytic shellfish poisoning (PSP) na ang sanhi ay pagkain ng shellfish na kontaminado ng tinatawag na dinoflagellate algae kung saan nakapagpo-produce ito ng matinding lason sa katawan ng tao.
Ayon sa mga doktor, ang unang sintomas ng PSP ay panginginig ng labi at dila na mararamdaman ilang minuto matapos makakain ng toxic shellfish. Kasunod nito, ang panginginig ng mga daliri sa kamay at paa, pagkatapos ay mawawalan na ng kontrol at pakiramdam ang mga braso at mga binti hanggang sa tuluyang mahirapan sa paghinga.
Sa advisory na ibinigay ng BFAR, ang lugar na dapat iwasang manguha ng shellfish ay ang mga sumusunod:
Coastal waters ng Bataan (Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Hermosa, Orani, Abucay at Samal);
Honda at Puerto Princesa Bays sa Puerto Princesa City, at Coastal waters ng Inner Malampaya Sound, Taytay sa Palawan;
Coastal waters ng Milagros sa Masbate;
Coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol;
Tambobo Bay, Siaton sa Negros Oriental;
Coastal Waters ng Daram Island, Zumarraga, Irong-irong, San Pedro, Maqueda at Villareal Bays in Western Samar;
Cancabato Bay, Tacloban City at Carigara Bay sa Leyte;
Matarinao Bay sa Eastern Samar;
Balite Bay, Mati City sa Davao Oriental; at
Lianga Bay at Coastal waters ng Hinatuan sa Surigao del Sur
"All types of shellfish and Acetes sp. or alamang gathered from the areas shown above are NOT SAFE for human consumption," ayon sa BFAR.
"Fish, squids, shrimps and crabs are safe for human consumption provided that they are fresh and washed thoroughly, and internal organs such as gills and intestines are removed before cooking," dagdag ng BFAR.
Samantala, sa advisory ng BFAR noong October 26, nagpositibo sa red tide toxin ang mga isda na nanggaling sa Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur kaya pinapayuhan ang publikong iwasan din ang pangingisda rito.
Comments