ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 29, 2021
Bago matapos ang araw noong Lunes, ika-26 ng Hulyo, isang makasaysayang pangyayari ang naganap nang maipanalo ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng bansa.
Dalawang record din ang binasag ni Hidilyn sa pagkapanalo niya sa weightlifting women’s 55kg category laban kay Liao Qiuyun ng China — ang final lift niyang 127kg sa clean and jerk, at ang total na 224kg na binuhat niya.
Si Hidilyn din ang unang Filipina double Olympic medalist dahil sa pagkapanalo niya ng silver medal sa 2016 Rio Olympics. Ang huling Pilipinong multi-medal winner bago nakamit ni Hidilyn ang kanyang panalo ay si Teofilo Yldefonso nanalo ng back-to-back bronze sa swimming sa 1928 at 1932 Olympics.
☻☻☻
Napakaraming hamon ang hinarap ni Hidilyn bago makatuntong sa Olympics.
Dahil sa pandemya, napilitan siyang magsanay sa Malaysia mula Pebrero 2020. Hindi pa rin niya nakikita ang kanyang pamilya mula noong 2019.
Naging sentro rin siya ng hindi karapat-dapat na online bashing dahil sa pag-ere niya ng hinanakit sa iba’t ibang isyu na pumapalibot sa Philippine sports.
Bukod pa rito, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay naisama siya sa “Oust Duterte” matrix, na pinabulaanan niyang imposible dahil masyado siyang abala sa training.
☻☻☻
Binuhat ni Hidilyn ang buong bansa at ang pangarap at lunggati ng bawat Pilipino.
Isa siyang inspirasyon, at nagpapasalamat ang buong bansa dahil sa kalagitnaan ng pighati na dulot ng pandemya, nakahanap tayo ng pagkakataong magkaisa upang ipagdiwang ang nakamit niya.
Mabuhay ka, Hidilyn!
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments