top of page
Search
BULGAR

Tagumpay ng ating mga atleta, tagumpay ng bawat Pilipino!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 07, 2023

Bilang isang Pilipino, masasabi ko na talagang maipagmamalaki ang ating mga atleta na kalahok sa ginaganap na 19th Asian Games sa Hangzhou City, China, na sinimulan noong September 23 at magtatapos bukas, October 8.


Sa simula ng nakaraang linggo ay personal tayong bumiyahe sa China para ipakita ang ating suporta sa mga Pilipinong manlalaro. Masarap talaga ang pakiramdam bilang isang Pilipino na masilayan ang pagwawagi ng ating mga atleta.

Masayang-masaya tayo sa historic performance ng Gilas Pilipinas kahapon sa finals game upang masungkit ang gintong medalya sa basketball na huli nating napanalunan noong 1962 Asian Games pa. Ito rin ang pang-apat na gintong medalya natin sa kasalukuyang Asian Games na ito.


Pinupuri rin natin si Annie Ramirez na nakasungkit kahapon ng pangatlong ginto ng Pilipinas matapos maging kampeon sa jiu-jitsu (women’s 57kg) at si jiu-jitsu fighter Margarita “Meggie” Ochoa na nakuha ang ikalawang ginto para sa ating bansa noong October 5 sa women’s -48 kg division.


Punung-puno rin tayo ng papuri sa ating pole vaulter na si Ernest John Obiena na unang nakasungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas. Saludo tayo sa iba pa nating atleta na nakakuha ng silver at bronze medals.

Bilang chair ng Senate Committee on Sports, taus-puso tayong nagpapasalamat sa lahat ng ating mga manlalaro, coaches, national sports associations at mga staff, gayundin sa Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at iba pang ahensya na nagtrabaho para suportahan ang ating delegasyon.


Ipinagmamalaki natin ang ating mga manlalaro na ibinibigay ang lahat para itaas ang bandila ng Pilipinas sa ginaganap na kompetisyon. Manalo man o matalo, ang importante ay magkaisa tayo at ipamalas ang puso ng Pilipino na lumalaban hanggang dulo.

Tayo naman po, bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, ay laging todo-suporta para madagdagan ang pondo sa ating sports programs. Sa katunayan, ang pondong ilalaan sana ngayong taon para sa PSC ay nasa P200 million lang. Ipinaglaban natin ito na maitaas pa at isinulong natin ang karagdagang P1 bilyon, at atin namang naisakatuparan. Dahil dito, nakapagbigay tayo ng dagdag na suporta para sa mga atletang lumahok sa mga international competitions kabilang ang 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia at ang kasalukuyang Asian Games sa China.

Tinututukan din natin ang grassroots sports development upang mahubog ang mga kabataan nasaan man sila sa bansa na nagnanais na sumabak sa mga pambansa at pandaigdigang palaro.


Tayo rin ang may-akda at co-sponsor sa Senado ng Republic Act 11470, na nagtatag ng National Academy of Sports sa New Clark City, Tarlac. Ang NAS ay nagbibigay ng dekalidad na edukasyon at sports training sa mga batang may potensyal na maging world-class athletes.

Isinumite rin natin ang SBN 423, o ang Philippine National Games (PNG) bill, na naglalayon na mapalakas ang isang national platform para sa mga atleta lalo na sa mga kabataan mula sa mga probinsya upang maipakita ang kanilang husay. Kung maisabatas ito, mas maraming talento ang mabibigyan ng pagkakataon na makilala at mapabilang sa ating national team.

Suportado rin natin ang pagdaraos ng sports clinics, community leagues, pagpapatayo ng sports facilities at pagkakaloob ng sports equipment sa mga kanayunan.


Naniniwala ako na ang sports ay isa ring mabisang paraan para mailayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo at kriminalidad. Palagi ko ngang binabanggit, get into sports and stay away from drugs, and, of course, to stay healthy and fit.

Samantala, tuluy-tuloy tayo sa ating adhikain upang mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa iba’t ibang sektor, lalo na ‘yung mga nahaharap sa iba’t ibang krisis.

Naging guest speaker tayo kahapon, October 6, sa ginanap na 33rd Commencement Exercises ng Polytechnic University of the Philippines-Maragondon Campus sa Cavite kung saan pinahalagahan natin ang edukasyon bilang tanging puhunan para sa mas magandang kinabukasan. Nagbigay tayo ng inspirasyon at nagkaloob ng munting regalo para sa graduates, pati na rin sa 7th commencement exercises ng PUP-Alfonso Campus sa Cavite sa hapon nang araw na iyon.

Dumalo rin tayo sa Barangay Health Workers Summit sa Cebu City bilang guest of honor and speaker. Kasama ang BHW Partylist at lokal na pamahalaan, namahagi tayo ng grocery packs sa mga BHWs doon. Namahagi rin tayo ng dagdag na suporta bukod sa emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may maibili ng housing materials gaya ng pako, yero at iba pa ang 2,253 benepisyaryong nasunugan noon sa Cebu City. Binigyan din natin sila ng grocery packs, masks, vitamins, bola o shirt at nagpa-raffle ng mga bisikleta, sapatos at cellphone.

Sinaksihan din natin ang ribbon cutting ceremony at pagbubukas ng bagong pasilidad ng Lapu-Lapu City Hospital na bahagi ng bagong phase na ating sinuportahan na mapondohan. Dumalo rin tayo sa ginanap na National Teacher’s Day celebration ng Lapu-Lapu City kasama si Mayor Ahong Chan kung saan pinahalagahan natin ang papel ng mga guro sa paghubog sa ating mga kabataan. Namahagi rin tayo ng grocery packs at face masks sa mga guro at nagpa-raffle ng bisikleta, sapatos at cellphone.

Nasa Antipolo City, Rizal naman tayo noong October 5 at naging guest speaker sa ginanap na World Teachers’ Day celebration, sa paanyaya ni Mayor Jun Ynares. Namahagi ako ng tulong para sa 620 mahihirap na residente at ilang biktima ng sunog sa Antipolo City, kasama ang ilang local officials tulad nina Governor Nina Ynares, Board Member Randy Puno, Vice Mayor Josefina Gatlabayan, Councilor Susan Say at mga barangay officials.

Matapos ito ay nag-inspeksyon tayo sa itinatayong Super Health Center doon. Bilang adopted son ng CALABARZON region, pinasalamatan natin ang ating mga kapwa mambabatas na nagsulong din ng mga Super Health Center sa Rizal gaya nina Cong. Robbie Puno, Cong. Romeo Acop, Cong. Jack Duavit, Cong. Fidel Nograles, Cong. Dino Tanjuatco at Cong. Jojo Garcia.


Samantala, sinilip din natin ang Antipolo City Hall of Justice na ating sinuportahan na mapondohan noon.

Tumulong naman ang aking opisina sa iba’t ibang komunidad tulad ng dalawang residenteng nasunugan sa Bagumbayan, Sultan Kudarat. Naayudahan din ang 377 mahihirap na residente ng Talavera, Nueva Ecija katuwang ang tanggapan ni Congressman Jose Padiernos, gayundin ang 225 na displaced workers sa Catanduanes.

Bilang inyong lingkod, walang tigil ang aking suporta sa ating mga atleta, pagmamalasakit sa ating mga kababayang aking nirerepresenta, at pagtulong sa abot ng aking makakaya sa mga Pilipinong nangangailangan. Ipagpatuloy natin ang ganitong pagkakaisa, hindi lamang sa aspeto ng sports kundi maging sa lahat ng bagay na makatutulong sa pag-unlad ng ating bayan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page