top of page
Search
BULGAR

Tagumpay ang pagbisita natin sa Mindanao

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Oct. 3, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

​Bilang bahagi ng ginagawa nating pagbisita sa mga lugar na nangangailangan ng tulong ay nagtungo tayo sa Mindanao. Inalam natin ang kalagayan ng ating mga kababayan doon at namahagi tayo ng ayuda na regular nating ginagawa simula nang muli tayong mahalal bilang senador.


​Sa tulong ng aking staff sa Bayanihan Relief (BR) Team ay dumating kami ganap na alas-7:30 ng umaga sa Cotabato airport at agad kaming nagtungo sa oath taking para sa mga bagong miyembro ng Lakas-CMD kung saan doon na rin kami nag-breakfast.


Bandang alas-8:30 ng umaga ay namahagi na kami ng tulong sa bayan ng Sultan

Kudarat sa Maguindanao del Norte sa pamamagitan ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) ng DSWD na dinaluhan din nina Cong. Dimple Mastura at Vice Mayor Shameem Mastura kung saan ay umabot sa mahigit 2,500 katao ang nakinabang sa ipinagkaloob na P2,000 sa bawat isa.


​Kasunod nito ay bumiyahe na kami patungong Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte pa rin at doon ay namahagi kami ng AICS na umabot sa kabuuang P4 milyon at nabiyayaan ng tig-P2,000 ang bawat dumalo na nakasama natin si Mayor Lester Sinsuat.

​Bandang alas-11:30 ng umaga ay bumiyahe na kami patungong Datu Abdullah Sangki sa Maguindanao del Sur, kung saan sinalubong kami ni Gov. Bai Mariam Mangudadatu at sabay-sabay na kaming nananghalian.


​Ala-1:00 ng hapon ay nagtungo na kami sa DOME Sports Complex at muli ay namahagi tayo ng karagdagang P4 milyon at tumanggap uli ng tig-P2,000 ang bawat benepisyaryong dumalo.


​Agad tayong nagtungo pagkatapos ng pamamahagi sa lalawigan ng Sultan Kudarat at doon kasama si Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu ay panibagong P4 milyon ang ating ipinagkaloob sa mga kababayan na nakinabang ng tig-P2,000.


​Makaraan ito ay lumipad na tayo patungong Water Camp Resort sa Kawit, Cavite dahil dumalo naman tayo sa oath taking ng mga bagong miyembro ng Lakas-CMD sa unang distrito ng Cavite na dinaluhan din ng kanilang kinatawan sa Kamara na si Cong. Jolo Revilla.


​Nakalulungkot nga lamang dahil panahon na ng galawan ng mga kandidato at ang matagal na nating aktibidades na tulad nito ay hindi maiiwasang makulayan ng pamumulitika ngunit sa maraming bayan na napuntahan na natin ay alam nilang matagal na natin itong ginagawa ng buong puso at ang intensyon ay ang pagtulong.


​Mayroon tayong team ang Bayanihan Relief na walang ibang ginawa araw-araw kundi ang magbalot ng mga food packs na ipamamahagi sakaling may dumating na kalamidad bilang paghahanda. Ito ang dahilan kung bakit napakabilis ng ating pagtugon sa mga nasalanta ng kalamidad dahil palagi tayong nagpe-prepare.

 

​Kung wala namang kalamidad ay binibisita natin ang mga lugar na alam nating maraming nangangailangan ng tulong kaya tayo napadpad sa Mindanao nitong nakaraang Setyembre 30 at nagpapasalamat nga tayo sa mainit na pagtanggap ng mga residente dahil ramdam na ramdam natin ang kanilang pagmamahal.


​Sa ngayon ay maraming lokal na pamahalaan ang nakikipag-ugnayan sa ating tanggapan dahil humihiling na bisitahin din natin sila kaya ngayon ay nakahanay na ang mga lugar na ating pupuntahan sa mga darating na araw.


​Habang tinitipa ko ang artikulong ito ay doble na naman ang ating paghahanda dahil sa

Bagyong Julian na may dalang malakas na ulan at sana ay wala namang grabeng masalanta lalo pa at nalalapit na ang Kapaskuhan.


Napakabigat sa loob na tingnan habang namamahagi tayo ng tulong sa ating mga kababayan na grabeng nasalanta ng kalamidad — mahirap isipin na marami ang nagsasaya ngunit may mga iba na nagdurusa sa sitwasyon.


​Kaya dapat ay araw-araw tayong naghahanda — tulungan natin ang barangay sa paglilinis ng kapaligiran lalo pa’t panahon ng tag-ulan para hindi magbara ang mga basura at hindi na magbaha.


​Sa ganitong paraan ay walang maaapektuhan at sama-sama tayong sasalubong sa Pasko ng masaya at walang nasalanta. Sakaling bumisita ako sa inyong lugar sa mga darating na araw ay nais ko kayong datnan na nakangiti at bibigyan ko kayo ng biyaya na karagdagan na lamang sa pagdiriwang natin ng Kapaskuhan at hindi dahil sa biktima kayo ng kalamidad.


​Pansamantala ay aasikasuhin natin ang pagpa-file ng ating candidacy upang makapangampanya tayo ng legal kapag panahon na ng pagpapatupad nito — dahil muli tayong tatakbo bilang senador at napakarami pa nating isinumiteng panukalang batas na hindi pa natin natatapos para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

​Kailangan talagang mag-asikaso dahil medyo mahigpit ngayon ang Commission on Elections at bawal na ang substitution maliban na lamang kung namatay o nadiskuwalipika ang isang kandidato.


Napakarami nating tagasuporta ang malulungkot kung hindi natin masisiguro ang ating kandidatura para sa darating na eleksyon ngunit hindi naman ito magiging dahilan para maantala ang ating isinasagawang pagbisita sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mamahagi ng ayuda.


​Tinatawagan din ang ating mga tagasuporta at iba pang supporters na sumasama sa filing ng candidacy ng kani-kanilang kandidato na huwag masyadong magpadala sa emosyon na posibleng humantong sa kaguluhan, dahil minsan ay mayroong nangyayaring asaran sa magkakaibang grupo na madalas ay nauuwi sa kaguluhan.

​Alalahanin nating isang araw lang ang eleksyon at makabubuting ligtas tayo upang masaya nating makasama ang ating pamilya ng walang pangit na nangyari lalo pa’t malapit na nga ang Pasko. Mas maganda pa ring makita kayong ligtas at sa balota n’yo na lamang ipakita ang inyong suporta.

 

Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page