ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 16, 2023
SUPALPAL ANG INABOT KAY SEN. IMEE NG TAGA-KAMARANG NAG-AAMBISYONG MAGING PRIME MINISTER -- Sinupalpal ni presidential sister Sen. Imee Marcos ang Kamara sa isinusulong nitong Charter-Change (Cha-cha) dahil ayon sa senadora ay hindi raw ito lulusot sa Senado, at pagkaraan ay nagpasaring pa si Sen. Imee na mayroon lang daw atat na atat na maging prime minister kaya nais ng House of Representatives na baguhin ang Saligang Batas ng ‘Pinas.
Dahil sa statament na ‘yan ni Sen. Imee ay dapat huwag nang mag-aksaya ng oras ang Kamara sa isinusulong nilang Cha-cha, kasi nga ate na ng presidente ang nagsabi, hindi ito lulusot sa Senado, period!
◘◘◘
PANG-BAGONG TAON NG MARCOS ADMIN SA MAMAMAYAN, DAGDAG-PAHIRAP NA TAAS-SINGIL SA TUBIG -- Inaprub na ng Manila Water Sewerage System (MWSS) ang dagdag-singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water na ipaiiral pagpasok ng January 1, 2024.
Kung tuloy na talaga ‘yan at wala nang atrasan ang taas-singil sa konsumo, masasabing ‘yan ang masaklap na pa-Bagong Taon ng Marcos admin sa mamamayan, boom!
◘◘◘
IBASURA SA 2025 ELECTION ANG MGA PULITIKONG WALANG PAKI SA PANGHA-HARASS NG CHINA SA MGA PINOY SA WEST PH SEA -- Kapuna-puna na iilang senador lang ang nagsasalita at nagpapakita ng galit sa China kaugnay sa isyung pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Pilipinas na nagdala ng supply sa mga Pinoy soldier na nagbabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ilan sa mga senador na “nganga” lang sa isyung ito ay re-electionist for senator at ang iba naman na tapos na ang term ay sa local position kakandidato sa 2025 election.
Kaya panawagan natin sa ating mga kababayan, ibasura sa halalan ang mga pulitikong “walang paki” sa pangha-harass ng China sa mga Pinoy sa West Philippine Sea (WPS), period!
◘◘◘
NGAYONG PANAHON NG KAPASKUHAN, PARANG KABUTENG NAGSULPUTAN ANG MGA MANRARAKET NA GAMBLING LORDS SA LAGUNA -- Ngayong panahon ng Kapaskuhan ay mistulang mga kabuteng nagsulputan ang mga raket ng mga manraraket na gambling lords sa Laguna.
Kung dati ay sina alyas "Toce," "Alvarez," "Ariza" at "Ibora" lang ang may raket na STL-con jueteng, lotteng, Ez2 at Suertes sa Laguna, ngayon ay sandamakmak na ilegalista pa ang nadagdag sa katauhan nina "Tita," "Osel," "Amante," "Timmy," "Orlan" "Jayson," "Pinky," "Nico," "Robert," "Mayang," "Vener" at “Bong”.
May impormasyon na isang alyas “Anibal” daw ang nagbigay permiso sa mga ilegalistang ito na mag-operate ng kanilang mga pasugalan sa Laguna.
Dapat ipa-raid na agad ni Laguna PNP Director, Col. Harold Depositar ang mga raket na ito ng mga gambling lords sa kanyang nasasakupan, kasi kung wala siyang gagawing aksyon ay baka bago mag-Pasko, sibakin siya ni PNP-Region 4-A Director B/Gen. Paul Kenneth Lucas sa puwesto, boom!
Comments