ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 21, 2022
Panahon na ng tag-ulan, ayon na rin sa deklarasyon ng PAGASA, at maaaring maranasan ang pag-ulan sa hapon o gabi.
Tuwing tag-ulan, nakakapangamba na naman ang kaliwa't kanang mga baha. Bagama't may hangover pa sa eleksyon ang lahat, kilos na tayo nang maaga para menos perhuwisyo 'pag lumakas na ang pag-ulan.
Ayon nga sa PAGASA, kahit rainy season na ngayong Mayo pa lang, maaari pa ring makaranas ng mainit na panahon o ang tinatawag na monsoon break, kaya samantalahin na natin 'yan at simulan na natin ang paghahanda.
Kung medyo mabagal ang kilos sa paglilinis ng mga kalat sa eleksyon, ang IMEEsolusyon d'yan eh magboluntaryo na tayo at magkanya-kanyang linis para hindi magbara at magdulot ng pagbaha sa mga kanal at estero. Hindi biro ang mga panganib na lilikhain ng parating na tag-ulan ha!
Bukod sa baha, kailangan din nating mag-ingat sa laganap na sakit na dengue at leptospirosis na nangyayari tuwing may pagbaha at nagiging stagnant o 'di gumagalaw ang tubig-baha sa mga kanal, mga estero, sapa, pati na rin sa mga kalye sa siyudad.
'Yung mga lugar sa ating bahay na madalas na nadadale ng baha, unti-untiin na nating ayusin at alisin doon ang ating mga gamit, itaas na natin. Iwas na sa kalat at pagbabara ng mga daluyan ng tubig, iwas pa sa sakit na dengue na dala ng lamok at sa leptospirosis na dala naman ng daga.
IMEEsolusyon din na ngayon pa lang i-ready na rin natin ulit ang ating mga ‘grab bag’ kung saan nakalagay ang first aid kit, iba pang mga gamot, mga flashlights, IDs, ekstrang mga damit, kumot, maliit na radyo, compass at iba pa, para anytime na may sakuna o biglang bumagyo, meron na tayong madadampot agad na pang-emergency na mga gamit.
Ikatlong IMEEsolusyon, i-ready na rin natin ang mga listahan ng mga ahensya ng gobyerno na madalas nating tinatawagan kapag kailangan ng rescue tuwing may baha o bagyo.
Ikaapat, magtabi-tabi na tayo at unti-unting bumili ng mga pagkain na 'di nasisira para sa panahon ng tag-ulan, tulad ng mga noodles, asukal, kape, mga biskwit at iba pa. Higit sa lahat, syempre, magtabi na ng extra cash sa ating grab bag.
Ikalima, kung may sira ang ating mga bubong, simulan na nating tapal-tapalan para 'di tayo mapasok ng tubig kapag tumitindi ang tag-ulan. Bumili na rin tayo ng mga baterya para sa mga flashlight natin, mga power bank, at mga charger.
Ikaanim na IMEEsolusyon, siyempre, ihanda na rin natin ang mga lugar na paglilikasan sa ating mga alagang hayop, magtabi-tabi na rin tayo ng kanilang pagkain at mga gamot.
Pakatandaan, iba na ang maagap, dahil siguradong hindi lang buhay natin ang maliligtas, kundi maging ating mga alagang hayop, mga gamit at kabuhayan.
Commentaires